TRANSLATE THIS SITE

Balita



" Noy…”………. “Nooooy…” marahang panawagan ng boses sa hagdanan ng aking kubo… ako’y  marahang dumilat at napatingin sa siwang ng bintana… na-aaninag ang kaunting liwanag na dulot ng bukang liwayway… sa natutulog na utak, ako’y dahan dahang lumabas sa kumot ng panaginip na bumabalot sa aking isip… Ang taghoy ng panawagang … “Noooooy… !” ay nagpapatuloy …nangungulit …nang-iistorbo …nang-aasar…

          “ Ano ba !!??” …ang pasigaw na sagot ng aking isip… habang ang dalawa kong paa ay humahakbang patungong pintuan…Nang aktong bubuksan ko na ang pinto ay…  Pabulong na sumigaw ang boses na nag-pakilala… “Noy! ...si Joe ito!”…ang hirit ulit ng boses na nangungulit…

         “Joe???”…sinong Joe ??... ang pasigaw na tanong ng aking isip… “Joe Crime ? ?” ang gumugulong na kuwento sa  naalimpungatang, si ako! … si Joe Crime ay ang taong hindi nagbabayad ng utang ! …ang tanging tao na may karapatang hindi mo puwedeng pagbabayarin ngayon at kailanman !
                   … sa dahilan na; 
‘ Crime does not pay.’

The Black Eyed Peas - The APL Song ("Balita" of ASIN Band)
        Halos sabay sa aking paglabas… napatanong si Joe na ngayon ay maliwanag na sa akin na hindi ‘Crime’ ang apelyido… “Narinig mo ba ang balita ?”… Napatingin ako sa langit habang sumasagot ang aking isip; “Naku! sa  lahat ng tao dito sa mundo, ako pa ang tinanong mo ng ganito!... ni hindi nga ako nagbabasa ng diyaryo… at sa kubo ko ay walang radyo!” (sobrang liit na pag dinagdagan pa ng radyo ay masikip na masyado!)

Balisa ang kanyang mukha… may lungkot ang mga kataga na ikinuwento ang kanyang sadya… Narinig daw niya kagabi sa radyo na ibinalita, na si Saro na taga Marbel, South Cotabato ay binaril sa ulo !

 Saro?...sinong Saro ? iyan ngayon ang tanong mo…

          Si Saro….’yung kapitbahay ni ano ! ...pinsan ni kuwan! …‘yung may tindahan ng muwebles pang-bahay sa may Alunan Avenue… sa harap ng palengke mismo… siya ‘yung lumikha ng kantang ‘Masdan mo ang Kapaligiran’ …ang Bayan kong Sinilangan, Timog Kotabato’ …’Gising na Kaibigan’ … ‘Itanong mo sa mga Bata’… ‘Balita’…atbp. ‘Yung isa sa mga miyembro ng grupong ‘Asin’…

Asin ?? … anong asin ? ?

        …wow! ang kulit !!? … ano pa? …’di ‘yung kasama ng paminta, vetsin, mantika… ginagamit na pang-gisa… hinahalo sa luto… minsan nagsisilbing ulam pag ika’y walang- wala… ang tawag sa ganitong ulam ay –tuldok! Pag bagoong– kudlit! Teka, bago tayo tuluyang mawala… balik tayo sa Balita…

        Umakyat ang init ng aking katawan papunta sa aking ulo…ako’y nanlamig  na parang binuhusan ng yelo… pakiramdam ko’y parang kinuyamos ang aking puso… ako’y nagsalita subali’t sa aking bunganga ay walang lumalabas na kataga… sa halip ay aking naririnig, ang tinig ni Saro sa kalawakan ng aking isipan… parang, ang layo ng boses na nagsusumamo…
      
Lapit mga kaibigan at makinig kayo;
ako’y may dala-dalang balita,
galing sa bayan ko …
Nais kong ipamahagi ang mga kuwento,
at mga pangyayaring nagaganap, sa Lupang Ipinangako…

         Parang kahapon lang, ay aking nakikita si Saro sa ibabaw ng entablado…hawak ang kanyang gitara…inuulat ang balita tungkol sa kanyang nakita. Ang ating lahat na naging kalagayan sa,
… naganap …nagaganap …at magaganap…

Ang lupang pinanggalingan ko’y may bahid ng dugo
May mga lorong ‘di makalipad, nasa hawlang ginto
May mga punong walang dahon, mga pusong ‘di maka kibo,
sa mga pangyayaring nagaganap…sa Lupang Ipinangako.

        
         Ako na ngayon ang nagsusumamo… liwanagin mo, ang kahulugan ng mga kataga …ihambing sa kasalukuyan ang iyong kinalalagyan …parang, walang pinag-iba ang mga pangyayari,
         …kung ikaw noon ay ang lorong ‘di makalipad, sa ngayon ay tinalian pa ng ‘packing tape’  ang iyong buong katawan at niliitan pa lalo ang hawlang iyong kinalalagyan;
         …katulad mo’y punong walang dahon, na ang tuyong katawan ay naghihintay na lamang sa awa ng may Kagagawan na padalhan ka ng ulan;
         … sa apat na sulok ng lupang sinilangan ay  may mga pusong ‘di maka kibo -  dahil tatahiin ang iyong mga bibig para hindi mo ma-ibuka … o di kaya’y puputulan ka ng dila para hindi ka na makapagsalita… 

laging may nakaabang… nagmamanman… nagbabantay …

Ang kamay na bakal ng may hawak ng kapangyarihan .

       Ay laging handa at handang kumitil ng buhay at buong pusong naninilbihan sa interes ng mga gahaman na siyang may hawak ng kapangyarihan! Mga buwaya na yumuyurak sa ating bansa... ang malungkot pa na balita  na ang mga ito ay dumadami... nanganganak... at ang kanilang sakit na-Kasakiman ay nakakahawa... marami na ang nahawa sa ganitong sakit, ultimong pinaka maliit na tao sa lipunan ay nasasaniban at nag-asal gahaman na rin. Ang natatanging gamot lamang ay ang Kamulatan, at ang unang hakbang upang makamit mo ang gamot na ito ay sinabi na namin noong Talumpu't Walong (38) taon na ang lumipas at ito ay ang - "Gising na Kaibigan". 

         Ngayon ang maiinit na balita doon sa Katimogan ay (lingid sa kaalaman ng karamihan) ang kayamanan  na nasa ilalim ng lupa - Ginto, Tanso, Pilak at marami pang mga Mahalagang Bakal na nagkakahalaga ng limpak-limpak na salapi ITO ! Ito ngayon ang pinag-iinitan ng mga gahaman. Subalit hindi nila magalaw ito dahil may nakatirik na bahay na pag-aari ng tribu /o 'lumad' /o mga katutubo kaya ang pinag-gagawa nila ay basahin mo na lang sa diyaryo na lumalabas doon sa Mindanao...mga lumad sa oras na ito ay natataranta sa pagtago, nagsusumamo na tulungan sila dahil may mga armadong tao na nambubulabog sa kanilang tahimik na pamumuhay... pinagpapatay ang kanilang mga pinuno...ayon sa maykapangyarihan ay wala silang kinalalaman dito...haaaaaay Diyos na Mahabagin. Patawarin mo po ang kasinungalingan na ito... Gising na Pilipino.

Ito ang mga pangyayaring nagaganap sa Lupang Ipinangako.
Aber !? sagutin mo nga itong tanong,
 may pinagkaiba ba ang kahapon sa ngayon?

        …Nagpapatuloy sa paglalahad ng katotohanan itong makata… malalim ang tingin, sa iyong mga mata… ang karamdamang nababalisa, sa iyo’y ibinalita…



Mula ng makita ko ang lupang ito;
nakita ko rin ang munting apoy, sa puso ng tao…
Ginatungan ng mga kabulukan , hanggang sa lumago,
ngayon ang puso’y may takot… sa Lupang Ipinangako.

        Ang  mga kabulukang iminumungkahi, sa ngayon, ay lalong naging matindi… ang munting apoy na siyang pinagmulan, ay sumiklab, lumaki at kumalat sa iyong buong katawan… lumaki ng lumaki… sinunog ang ‘yong kaluluwa… naghalo sa iyong dugo, tumayo ng ‘mansion’ sa iyong puso… sumanib sa iyong buong katauhan at ito’y nagiging -UGALI…  pinalitan mo ang Diyos, sa isang huwad na diyos at siya ay ginawa mong hari…Lumalaganap ang kabulukan mula sa pinakamababang uri ng tao sa lipunan hanggang sa pinakamataas na may hawak ng kapangyarihan … damay ang  lahat ng sambayanan… maliban lamang sa mga hindi nagkakasala at hindi rin nagkakamali… (sino naman kaya ‘yon?)

        Tayong lahat ay nagiging bahagi ng isang salot at nakakadiring ugali na kung tawagin sa inggles ay ‘corruption’. Sa bansa na kung saan ka isinilang, ito’y nagiging tradisyon… naging bahagi ng lipunan… naging ugat ng kahirapan… sa mga mahihirap; ang napipinsala ay ang kanilang sarili lamang, subalit sa mga mayayamang gahaman, sila'y naging pulitiko at hinawakan ang pinaka-mataas na katungkulan, napasakamay nila ang kapangyarihan! … ang pinsalang dulot  ay di  hamak na sakuna ! ...sa karamihan… sa buong sambayanan… sa sangkatauhan !

…isipin mo kaibigan, ito ba’y tutuo? … haka-haka o/ guniguni  lamang ?

        
         Pag ikaw ay dakdak ng dakdak at walang nangyayari sa iyong dinadakdak, ikaw ay …pulitiko… pag ikaw ay pangako ng pangako at walang nangyayari sa iyong pangako, ikaw ay…pulitiko… pag ika’y sumumpa sa harap ng Diyos at sa harap ng Tao, na ang sambayanan o ang sangkatauhan ay iyong pagsisilbihan, nguni’t sa halip ang iyong bulsa lamang ang iyong inaalagaan, ikaw ay …pulitiko… Pag iyong nililinlang ang taong bayan at ika’y nandadaya sa halalan, ikaw ay… pulitiko…kapag umiiba ang iyong mukha pag nakaharap sa kanan at umiiba naman pag nakaharap sa kaliwa, ikaw ay… mahikero (mahikerong pulitiko)… pag ang ‘bubble-gum’ noong isang bata ay iyong inagaw, inilagay mo sa iyong bunganga at nginuya dahil siya’y mas maliit kaysa sa ‘yo, at inangkin mo na ito ay sa ‘yo, ikaw ay… PULITIKO !!!

Pag ikaw ay “Laging Handa”
… ikaw ay – ‘Boy Scout’ … pag babae - ‘Boy Scout - girls …’
Ay!...Girl Scout , pala!

          Pag ikaw ay isang nilalang,  may hawak na mataas na katungkulan sa bayan, at dahil sa pagmamahal na nasa  iyong puso, ay ibinigay ang iyong sarili sa pagsilbi sa iyong kapuwa… sa sambayanan …sa sangkatauhan… at nagsusumikap na mapa-angat ang kalagayan ng mga nagdurusa at nahihirapan, ikaw ay…TAO.

          Pag ikaw ay lampas na sa mga sinabi ko at kaya mong lumakad sa ibabaw ng tubig sa sapa… o di kaya’y pag ikaw ay naglalakad at ang iyong mga paa ay nakaangat sa lupa… may sinag na naa-aninag sa ibabaw ng iyong ulo, ikaw ay…SANTO.

        Itong makata ay atat-na-atat na, sa inyo at sa inyong pagka -walang bahala… 
bakit???......baKIT ??......BAKIT ?

        …ang pasigaw niyang tanong ??? …sa mga tao na nakapiring ang mata… ang iba naman ay nakalinya na may kadena sa paa… mayroong pasuray-suray, lagging nakatuon sa lupa ang mga mata… may nakabaluktot sa gutom, nakahiga sa bangketa … mga batang walang bahay sa lansangan gumagala… marami ang ‘bumigay’ dahil wala ng magawa’t, naging ‘taong-grasa’  na naglalakad sa kalsada…

         Subali’t ang katotohanan, na halos lahat sa tinatawag nating - ‘karamihan’ …ay umiiwas… lumilihis…nagtatago sa kanilang sarili… upang ‘di maabot at masabunutan ng kamay na bakal na makapangyarihan… o/ di kaya’y makalmot ng makamandag na kuko ng mga pulitiko…ito ang kinatatakutan ng tao… ito ang gusto ng mga pulitiko…na ang;
          
… ang puso’y may takot !

        Pag ikaw ay isang taong marangal; malinis na hangarin ang sa iyong kalooban, at lumalakad sa landas ng katotohanan… ang takot ay wala sa iyong bokabularyo, ingat ka lang, baka ikaw mapako tulad ni Kristo…na minsan ay lumakad dito sa mundo, ibinunyag ang nasa kalooban, at ibinunyag niya ang katotohanan… O, saan dinala ng mga pulitiko itong si Kristo ?

         Ayun… hinusgahan… pinahirapan… tinusok ng sibat sa tagiliran… inunat ang isang kamay papuntang silangan at inunat din ‘yung isang kamay papuntang kanluran… ipinako sa krus ng mga taong bulok… Dahil ang mga bulok sa Kanya ay natatakot … nabubuko ang kanilang drama! Ang mga bulok na nangungurakot ay laging natatakot ! Kaya ang mga ito ay hindi marunong maglakad ng mag-isa ! Takot !  …laging napapaligiran ng mga bodyguard… may nakabuntot na adviser… organizer… media… peryodista… beautician… manikyurista … pedikyurista… kontratista… masahista; etc. Laging may bitbit na pako… na sa oras na si Kristo ay lumitaw sa kanyang harapan, ay kanyang ibabalik muli sa krus na Kanyang kinalalagyan …

         Mga kawawang nilalang… mga kulang sa pagmamahal ng kanilang mga magulang …mga kulang sa pansin …kaya  gusto laging nasa ilalim ng ‘spotlight’ …nakikipagkamay habang naka-tawang hilaw sa harap ng ‘camera’ …pati ang pagdadasal ay naka-‘televise’ pa !...shooting dito…shooting doon… wooooooooh! …ikaw na! 

        Kung ika’y tutuong tao ...may puso at pakiramdam… huwag mo silang tularan… huwag mo rin silang kasuklaman… sa halip ay, unawain mo ang kanilang kakulangan…
        Maawa ka pa nga, dahil ang hirap ng papel na kanilang ginagampanan …hindi biro na ang tuwid ay iyong baluktutin !... o/ ang papaniwalain ang karamihan sa iyong kasinungalingan !

        Ang panaghoy ni Saro…na nagmumula sa malayong-malayo… lumalakas… humihina … umiikot sa aking ulo…

Dati-rati ang mga bukid ay kulay ginto;
Dati-rati ang mga ibon sinlaya ng tao,
Dati-rati ay katahimikan, ang musikang  nag papatulog
Sa mga batang …walang muwang sa mundo.


         Dati-rati…dati-rati…dati-rati…dati-rati… lahat ay bahagi na lamang ng dati-rati sapagka’t ang ngayon…ay nakabitin na lamang sa ating panalangin… walang katiyakan ang bukas na darating…

         Hawakan mo sa iyong dalawang palad ang iyong kinabukasan…huwag mong ipaubaya sa dila ng manlilinlang… gamitin mo ng maiigi yaong bagay na nakatuntong sa iyong leeg… sige nga …’try’ natin…1+1= ? ...100+100? …siguradong alam mo rin ang pangulo ng bansang Pilipinas sa ngayon? …ang  bise presidente ?...ang pangalan ng iyong kapitbahay?... e, ‘yung umutang sa ‘yo noong isang lingo?
          Eh; ito… 

Ngayon ang Lupang ipinangako ay nagsusumamo,
Patakan mo ng luha ang apoy sa kanyang puso,
Dinggin mo ang mga sigaw , ng mga puso ng taong 
kung inyong dadamhin… kabilang sa inyo.

(…ipaliwanag mo nga, aber ?!?)



"Balita"

Lyrics & music        : Saro Banares Jr.
Performed by         :  Asin
From the album      :  Himig ng Pag-ibig



noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.


Isang Aral Para sa Puso


( Handog na alaala sa isang kaibigang nangangalang : Edwin Mercurio na nagmamalasakit para sa mga kapos palad na mga Tribu... sa Katimogan... sa Kanluran... at sa Buong Sandaigdigan )


         Doon sa katimogan ng lupang sinilangan …‘Lupang Pangako’ kung ito’y turingan. May mga nilalang, na namumuhay ng kung ilang siglo na ang dumaan, sa sagradong lupa ng kanilang mga ninuno, na doon na ipinanganak, lumaki …tumanda …at namatay. Sumasabay sa agos ng buhay na nababatay sa kanilang kapaligiran, at ang kabuhayan ay sumusunod sa batas ng Inang Kalikasan. Sila ay ating narinig na… o di kaya, sa mga bagong salta dito sa mundo na hindi ninyo sila kilala, ako’y humihingi ng kaunting sandali,  at ng sila’y aking ipakilala… sila ay nakikilala sa mga pangalang : T’boli, B’laan, Ubo, Magindanaw, Bagobo, Maranaw, Badjao; at marami pang iba. Sila’y nakakalat sa buong Mindanao… tinulak ng sibilisasyon… mula sa kapatagan, hanggang sila’y umabot sa mga kabundukan at sa mga liblib na pook na hindi na-aabot ng kamandag ng tinatawag nating ‘sibilisasyon’ ...
         
          Sa kabilang dako naman; sa bandang kanluran ng naturang bayan, sa mga mala higanteng bundok ng ‘Cordillera’  ay mayroon ding mga naninirahan, na kung ating susuriing mabuti, ay mga kapatid nitong mga nilalang na nasa katimogan. Magka-dikit ang pamamaraan sa pamumuhay at nakasandal din sa biyaya ng Inang Kalikasan…Sila naman ay nakikilala sa pangalang Igorot na nahahati sa maraming lupon; katulad ng: Kalinga, Kankana’ey, Ting’gyan, Ikalahan, Ifugao;  at ang mga hindi ko nasambit ay napabilang na rin sa… atbp.

          Sila ; ang ugat ng ating lahi, ang tinatawag natin ngayon na lahing ‘Pilipino’… sa maikling salita silang lahat ay ating tinaguriang -Tribu… ang ‘Pambansang Minoriya’ (National Minorities).  Tinulak ng kabihasnan sa kabundukan… ang kanilang kabuhayan ay pinalitan ng mga gusali, na karamihan papel ang laman…pinalitan ng mga taong nagtatakbuhan… nagkakagatan… mga sasakyan na humahagibis sa mga daan… at, ang mga pinuno nitong mga tribu, ang mga datu na may taglay na makataong karunungan,  ay pinalitan na ng mga pulitikong puro daldal na lamang…

         Ang pinaka masaklap pa, na ang karamihan sa kanila ay nawala na… naglaho na parang bula ! naging ‘extinct’… tulad ng mga  ‘pintados’ sa Panay,  sumusunod naman ang mga Hanunu-o sa Palawan… at ngayon, ang mga Mangyan sa Mindoro, ang  Aeta… ang mga ‘orig’ na pinoy !… ang siya namang unti- unting binubura ng kapalaran…

         Itong tula ay ang tanging pamana nitong mga nilalang na pinaglihi sa lupa… handog sa mga bagong sibol sa Lupang Hinirang, at ng ating matunghayan ang nakatagong katotohanan…


Dinggin mo ang himig ,ng naglalahong kaluluwa;
Ang Diyos ang patnubay ng bawa’t isa;
tinulak ng lipunan, siya’y mawawala.

      Ang malupit na hagupit ng tinatawag nating ‘kaunlaran’, ang siyang naging dahilan sa paglaho nitong mga nilalang, sa halip na sila’y sinagip, lalo pang idiniin ng kamay ng maykapangyarihan… niyurakan …inabuso…ninakawan ng dangal… habang pinupuri sa harap ng mamamayan… ginawan ng programa na may ‘hidden agenda’… at sa ngayon, ay tuloy tuloy ng bumulusok itong mga tribu sa lupa ! Sila’y nag mamakaawa… humihingi ng unawa … sa akin… sa iyo… at sa ating lahat…

      Ikaw  at  ako,  tayo,  ay  iisa
Tribung naglalaho … ay ang simula
Kung ‘di mo alam… ika’y mangmang.

     Patuloy na dinadaing ang kanyang huling habilin…sa garalgal na boses ay binigkas ang laman ng kalooban… ang kanyang hiling sana'y ating mapakinggan…

Tribu ang pinagmulan … Ang simula nitong angkan,
Ito’y napag-aralan … hindi natutunan
Buksan mo ang iyong puso at ng maliwanagan…
  
     “Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan, ay hindi makakarating sa kanyang patutunguhan…” aniya ni Rizal sa sambayanan… ito’y napag-aralan…hindi natutunan. Katulad din ng ating mga isinambit na mga tribu   na siyang bumu-o ng sambayanang Pilipino…sila rin ay ating napag-aralan… isinambit ang kanilang mga pangalan… sa paaralan …sa kolehiyo… sa unibersidad nguni’t, sila’y nanatiling nakalibing sa libro at kuwaderno …sila  rin aking mga kababayan ay,  napag-aralan… ngunit hindi natutunan.

Magdasal tayo sa Aba’ng Maygawa…

      Sana’y magkaisang hanay ang lahat na may taglay na karunungan …sa ating bansa at ganoon din ang ating mga kababayan na nasa ibayong dagat na naninirahan …upang maitulak natin at mapa- abante  ang programa sa edukasyon… ito lamang ang tanging lunas upang malunasan ang kahirapan… at ng masagip natin ang karamihan sa ating mga kababayan na nabulusok na ng tuluyan sa karukhaan…  kung ipag dikit natin ang Negros at Cebu    palagay ko mas malaki pa kaysa sa bansang Israel … pero tingnan mo itong napaka liit na bansa, napakaunlad … dahil ang mamamayan dito ay hindi mo ma-uto! Sa dahilan na halos lahat ay edukado! …marunong mag-isip at may laman ang ulo ! (huminga ng malalim at bumalik sa panalangin… kinakausap  ang sarili habang bumubulong sa hangin…)
 
     O, Diyos na makapangyarihan na siyang Maygawa nitong langit at lupa, gumawa ka ng milagro at ng malinis ang ulo ng mga pulitiko… at bibigyan nila ng importansiya ang mga hinihiling namin dito… at kung sakaling ito ma’y magka tutuo… at ang karamihan sa aming bansa ay magiging edukado… mababawasan tiyak ang mg uto-uto… ganoon din ang mga nagpapaloko… at ganoon din ang mga manloloko … at ang mga pulitiko ay magiging tao... tiyak na masisiyahan ang mga Pilipino, at makapamumuhay ng mapayapa ang natitirang tribu !

amen.

       Kaya’t kung ikaw man ay mayroon pang natirang katinuan, hindi pa huli ang matuto… damhin mo ang pintig ng puso ng tribung nagsusumamo, nang iyong matutunan ito’ng  Isang Aral  para sa  iyong  Puso … buksan mo ang iyong puso at ng marinig mo ang daing ng iyong mga ninuno…(‘please’, lang)

      At kung sakali man na pipiliin mong  manatili sa iyong kahibangan … at nanaisin mong mamuhay sa karimlan na hanggang ngayon ay hindi ka naman nadulutan ng mapayapang kalooban…wala akong karapatan na pilitin kang matuto… bahala ka sa buhay mo! …pero, itong aking sasabihin itaga mo sa bato…

Lahat sa mundo, ay sadyang mawawala,
Ito’y nakasulat, sa aklat ng tadhana,
Tayong lahat  … mawawala.

       Ang iyong kapitbahay… ang iyong nanay… ang iyong tatay… ang iyong kaaway… ang iyong mga kamag-anak… si Noynoy… si Binay… si ka Joseph … si Fernando Poe (nauna na!)… si Francis M (sumunod na!)… si Gary V… lahat ng kasapi ng Eat Bulaga…  si Vilma… si Nora… si Jena… si Doc… si Olmert… si Bush… ang iyong bahay…ang iyong ‘bank account ’… ang iyong utang (sus! natuwa !)… ang iyong aso… pusa… daga… ipis… pulgas… tigidig sa iyong mukha… problema… sakit… rayuma … galit… panibugho……..Lahat  ! !

Oo… lahat !  

.  .  .  M A W A W A L A   !  !  ! 


"Isang Aral Para sa Puso"

Music and lyrics              :  noy pillora
From the  project             :  Ang Karugtong
Adlib intro music by       :  Joel Villaruel  
Back up Vocals             :  Ayelet Hazan



noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.