TRANSLATE THIS SITE

Palaisipang Naiwan

      

          Sa dalampasigan ng kahapon, ng nakalipas na, na panahon…ay may mga gunitain na kahit ano ang ating gagawin ay nananatili, namamalagi at di kayang burahin… maaring ito’y nakakadulot ng kasiyahan, sama ng loob o aral na dapat nating matutunan… ito’y nakalaan na sa ating landas, at hindi nating maaring iwasan… Ito’y bigla na lang lilitaw sa harapan mo sa ayaw mo at sa gusto… na kung sabihin natin sa wikang inggles ay; “whether you like it or else ? ? ! !”…na nagtatapos sa dalawang pananong at dalawang tandang pandamdam... ang pananong ay para sa mga nagduda …at ang tandang pandamdam naman ay para doon sa mga wala ng pag-asa…

     (Pabulong : wala ng pag-asang magbago)…sanhi ng pagkabulag… nalipasan ng gutom… pangungutya ng mga kababata… kontrolado ng sistema… at marami pang dahilan kung bakit kailangan ng bigyan ng ‘ultimatum’ upang harapin ang tutoo. Naku! …masaklap ang wakas ng mga ito!

Dahil sa tinatahak mong daan,
 ang mga pangyayari at ang mga nangyayari ay sadyang dapat mangyari .. 
at, ang BAKIT?  . . . ay nasa sa iyo na ang pagsusuri 
       Basahin mo ang mensahe sa gitna ng mga kataga at ng iyong maliwanagan ang mga bumabalot na hiwaga …huwag mong seryosohin baka ikaw ay ma-‘heart attack’ …huwag mo ring lunukin at baka ikaw ay mabulunan o di kaya’y di matunawan …at huwag na HUWAG mong palipasin …
dahil ito na ang simula; at . . . ito rin ang katapusan,
ng buhay mo dito sa madla.

Ang mga awitin, akin pang ma-aalala;
himig na sumisigaw ,naghahanap ng unawa…
Kay lawak na kaisipan ang iyong naipamana;
naging gabay sa aking buhay, landas na mapayapa

         Parang kahapon lamang na tayo’y nagkukuwentuhan…masayang nagtatawanan …naglalakbay sa panaginip patungo sa direksiyon na wala namang patutunguhan… ang ating mga pinagdaanan ay kisap matang nalusaw, kasama sa bakas na ating naiwan …at  nanatiling nakalutang na naging palaisipan na lamang sa kasalukuyan …
        
     Pag tayo’y napapalayo sa ating mahal sa buhay, dito natin nauunawaan ang kahalagahan ng relasyon sa isa’t isa… malalim na kalungkutan na di mo maintindihan  ang bumubulabog sa iyong kalooban…  ngunit; uulitin ko,
...ito’y sadyang nakalaan at sa buhay mo ay ‘yong dadaanan…

        Ang mga pangyayari na ating nasasalubong dito sa lupa ay mga pagsubok na sa atin ay nakalaan na, bago pa man tayo iniluwa sa sinasapunan ng tinatawag nating  ‘ina’... Bagamat tayo’y nagkaroon ng buhay sa pamamagitan ng ating ina, hindi pa rin tayo nanggaling sa kanya... Dahil tayo’y nanggaling talaga sa Diyos na siyang maygawa nitong langit at lupa... Ang buhay na pabuya sa iyo ng Dakilang Maygawa ay pagkakataon lamang upang mabigyan ka ng panahon upang lawakan mo’t mapag-aralan ang iyong pag-uunawa… at nang magising ang espiritu ng iyong pagkatao na nakabalot sa iyong katawang lupa. 

       ang PAG-UUNAWA ay isang katangian na makakalunas ng maraming problema na kailangan maunawaan ng buong madla... Kapag ito’y umabot na sa iyong puso, para bang ika’y umabot sa tuktok ng mataas na bundok at ang paligid mo ay iyong nakikita, ...sa gandang namamalasan ika’y mapapamangha …ang dulot na biyaya, sa puso mo ay may hatid na hindi ma-isplekang tuwa… (nandiyan ka pa ba?)

        Kung di mo maarok ang aking mga sinasabi, kailangan mo ng pasensiya …ang aking maipapayo ay, pumunta ka sa Iloilo, doon sa kanto ng Jaro Liko, ay may panaderyang nagtitinda ng pasensiya… bumili ka ng marami …kainin mo …at magbaka-sakali na ito ay tutubo sa iyong konsensiya…at, sa pagsibol ng unang dahon, balikan mo itong iyong binabasa dahil ito ang hudyat na maiintindihan mo na, ang kahulugan ng mga nakasulat dito na mga pangungusap….

       At muli, tayo’y naglakbay na magka-akbay, upang salubungin ang bukang liwayway… ngunit sa pag-ihip ng hanging Haniway ang pagsubok ay sumasabay... May mga pangyayari na nakatakdang mangyari na naging dahilan ng ating paghiwalay...

Ilang taong nagsama minsan ay humihiwalay,
nagsusumikap tuklasin  ang hiwaga ng buhay… 

       Oo… ito’y bahagi rin ng ating pagtubo… huwag mong putulin ang ating relasyon, sa halip ay hayaan mo na kusang dudugtong… at makita mo, na sa pagdating ng panahon ay iyong matutunghayan, na ang bintana ng iyong isip ay iyo na ring mabubuksan, at sa panibagong pananaw ay may bahid ng pag-uunawa na;

Ang bawat paalam ay puno ng pag-asa,
na tayo’y magkikita sa susunod na umaga…

      May larawan ng kalungkutan ang paglubog ng araw sa kanluran, at may pananabik na kasama ang unang sinag sa bawat umaga …ito’y bahagi na ng buhay, at kakambal ng pintig ng iyong puso … ang pananampalataya, ay may kasamang pananabik na sana ay mabigyan ng katuparan ang mithiing inaasam… ito ay nangyayari na di inaasahan… ito ang batas ng kalikasan.
              
                Subalit kung maputol man ang tali, sanhi ng sunod sunod na pagkakamali…
  ano na lang ang aking imumungkahi ?

Pumanaw ka ng tuluyan at ako’y maiiwan. . .

 “ Aba ! walang ganyanan !”… akala ko ba’y walang bitawan ! 

      …Subalit nangyari ang hindi inaasahan, sa murang edad ikaw ay lumisan… at ang tanging pamana mo sa amin ay ang iyong mga palaisipang iniwan… katulad mo, ako rin ay naniniwala sa mensahe ng tadhana …nagpupumilit na maunawaan ang mga hatid na hiwaga... ngunit ang siklabo ng damdamin ay nagpapatuloy… sa liwanag man o sa karimlan …sa iyong kaluluwa na lumiligid-ligid sa paligid, ako’y nangangako na ang mga -  

adhikaing  ating sinimulan. . . umasa ka’t masusundan

        Minsan sa aking pag-iisa, ay may mga tanong na sumusundot sa aking alaala … isa na ay, kung bakit buhay ang naging kapalit ang iyong mga magagandang salita; o, di ba kaya na ikaw ay pumanaw sa dahilan na nagawa mo na ang dapat mong gawin dito sa lupa? ...o nasabi mo na ang dapat mong sabihin sa madla? 
      Ano naman ang nilabag mong batas ? … kung ayon sa banal na kasulatan ay,

“ Buhay ang kabayaran, sa kasamaan, ”
ang batas na umiiral sa sanlibutan.

Ang pamamaraan ng Dakilang Maygawa ay sadyang mahiwaga…
 ang kahuli-hulihang hininga na sumama sa iyong paglisan; 
sa aming lahat na naiwan, kailanman, ay mananatiling palaisipan...
  
Paalam . . .  kaibigan . . . Paalam 
. . . . . . . . .


Lyrics and music     :  nonoy pillora
From the album      :   Ang Karugtong
Back up vocals      :  Ayelet Hazan


noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.