Doon sa katimogan ng lupang sinilangan …‘Lupang Pangako’ kung ito’y turingan. May mga nilalang, na namumuhay ng kung ilang siglo na ang dumaan, sa sagradong lupa ng kanilang mga ninuno, na doon na ipinanganak, lumaki …tumanda …at namatay. Sumasabay sa agos ng buhay na nababatay sa kanilang kapaligiran, at ang kabuhayan ay sumusunod sa batas ng Inang Kalikasan. Sila ay ating narinig na… o di kaya, sa mga bagong salta dito sa mundo na hindi ninyo sila kilala, ako’y humihingi ng kaunting sandali, at ng sila’y aking ipakilala… sila ay nakikilala sa mga pangalang : T’boli, B’laan, Ubo, Magindanaw, Bagobo, Maranaw, Badjao; at marami pang iba. Sila’y nakakalat sa buong Mindanao… tinulak ng sibilisasyon… mula sa kapatagan, hanggang sila’y umabot sa mga kabundukan at sa mga liblib na pook na hindi na-aabot ng kamandag ng tinatawag nating ‘sibilisasyon’ ...
Sa kabilang dako naman; sa bandang kanluran ng naturang bayan, sa mga mala higanteng bundok ng ‘Cordillera’ ay mayroon ding mga naninirahan, na kung ating susuriing mabuti, ay mga kapatid nitong mga nilalang na nasa katimogan. Magka-dikit ang pamamaraan sa pamumuhay at nakasandal din sa biyaya ng Inang Kalikasan…Sila naman ay nakikilala sa pangalang Igorot na nahahati sa maraming lupon; katulad ng: Kalinga, Kankana’ey, Ting’gyan, Ikalahan, Ifugao; at ang mga hindi ko nasambit ay napabilang na rin sa… atbp.
Sila ; ang ugat ng ating lahi, ang tinatawag natin ngayon na lahing ‘Pilipino’… sa maikling salita silang lahat ay ating tinaguriang -Tribu… ang ‘Pambansang Minoriya’ (National Minorities). Tinulak ng kabihasnan sa kabundukan… ang kanilang kabuhayan ay pinalitan ng mga gusali, na karamihan papel ang laman…pinalitan ng mga taong nagtatakbuhan… nagkakagatan… mga sasakyan na humahagibis sa mga daan… at, ang mga pinuno nitong mga tribu, ang mga datu na may taglay na makataong karunungan, ay pinalitan na ng mga pulitikong puro daldal na lamang…
Ang pinaka masaklap pa, na ang karamihan sa kanila ay nawala na… naglaho na parang bula ! naging ‘extinct’… tulad ng mga ‘pintados’ sa Panay, sumusunod naman ang mga Hanunu-o sa Palawan… at ngayon, ang mga Mangyan sa Mindoro, ang Aeta… ang mga ‘orig’ na pinoy !… ang siya namang unti- unting binubura ng kapalaran…
Itong tula ay ang tanging pamana nitong mga nilalang na pinaglihi sa lupa… handog sa mga bagong sibol sa Lupang Hinirang, at ng ating matunghayan ang nakatagong katotohanan…
Dinggin mo ang himig ,ng naglalahong kaluluwa;
Ang Diyos ang patnubay ng bawa’t isa;
tinulak ng lipunan, siya’y mawawala.
Ang malupit na hagupit ng tinatawag nating ‘kaunlaran’, ang siyang naging dahilan sa paglaho nitong mga nilalang, sa halip na sila’y sinagip, lalo pang idiniin ng kamay ng maykapangyarihan… niyurakan …inabuso…ninakawan ng dangal… habang pinupuri sa harap ng mamamayan… ginawan ng programa na may ‘hidden agenda’… at sa ngayon, ay tuloy tuloy ng bumulusok itong mga tribu sa lupa ! Sila’y nag mamakaawa… humihingi ng unawa … sa akin… sa iyo… at sa ating lahat…
Ikaw at ako, tayo, ay iisa
Tribung naglalaho … ay ang simula
Kung ‘di mo alam… ika’y mangmang.
Tribu ang pinagmulan … Ang simula nitong angkan,
Ito’y napag-aralan … hindi natutunan
Buksan mo ang iyong puso at ng maliwanagan…
Magdasal tayo sa Aba’ng Maygawa…
Sana’y magkaisang hanay ang lahat na may taglay na karunungan …sa ating bansa at ganoon din ang ating mga kababayan na nasa ibayong dagat na naninirahan …upang maitulak natin at mapa- abante ang programa sa edukasyon… ito lamang ang tanging lunas upang malunasan ang kahirapan… at ng masagip natin ang karamihan sa ating mga kababayan na nabulusok na ng tuluyan sa karukhaan… kung ipag dikit natin ang Negros at Cebu palagay ko mas malaki pa kaysa sa bansang Israel … pero tingnan mo itong napaka liit na bansa, napakaunlad … dahil ang mamamayan dito ay hindi mo ma-uto! Sa dahilan na halos lahat ay edukado! …marunong mag-isip at may laman ang ulo ! (huminga ng malalim at bumalik sa panalangin… kinakausap ang sarili habang bumubulong sa hangin…)
O, Diyos na makapangyarihan na siyang Maygawa nitong langit at lupa, gumawa ka ng milagro at ng malinis ang ulo ng mga pulitiko… at bibigyan nila ng importansiya ang mga hinihiling namin dito… at kung sakaling ito ma’y magka tutuo… at ang karamihan sa aming bansa ay magiging edukado… mababawasan tiyak ang mg uto-uto… ganoon din ang mga nagpapaloko… at ganoon din ang mga manloloko … at ang mga pulitiko ay magiging tao... tiyak na masisiyahan ang mga Pilipino, at makapamumuhay ng mapayapa ang natitirang tribu !
amen.
Kaya’t kung ikaw man ay mayroon pang natirang katinuan, hindi pa huli ang matuto… damhin mo ang pintig ng puso ng tribung nagsusumamo, nang iyong matutunan ito’ng Isang Aral para sa iyong Puso … buksan mo ang iyong puso at ng marinig mo ang daing ng iyong mga ninuno…(‘please’, lang)
At kung sakali man na pipiliin mong manatili sa iyong kahibangan … at nanaisin mong mamuhay sa karimlan na hanggang ngayon ay hindi ka naman nadulutan ng mapayapang kalooban…wala akong karapatan na pilitin kang matuto… bahala ka sa buhay mo! …pero, itong aking sasabihin itaga mo sa bato…
Lahat sa mundo, ay sadyang mawawala,
Ito’y nakasulat, sa aklat ng tadhana,
Tayong lahat … mawawala.
Oo… lahat !
. . . M A W A W A L A ! ! !
"Isang Aral Para sa Puso"
Music and lyrics : noy pillora
From the project : Ang Karugtong
Adlib intro music by : Joel Villaruel
Back up Vocals : Ayelet Hazan
noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).
noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.