TRANSLATE THIS SITE

Suriin Mo



Ayon sa likas na batas, sa di malaon tayong lahat ay haharap sa katotohanan… walang makakaiwas… hindi rin puwedeng pagtaguan! Kaya ang pagsusuri ay siya na lamang ang nalalabing paraan na maaring makakapagbigay liwanag sa karimlan ng natutulog nating  kaisipan…

suriin mo.
 
    Ang di pagkakaunawaan ay tila wala na yatang katapusan. Ang panlilinlang ay numero unong suliranin ng bayan; subalit, ikaw ba ay talagang naging tapat sa iyong sarili?

     Ang pagkukunwari ay malaking problema ng madla …ang udyok ng hangaring lugmok ay siyang dahilan kung bakit ang ating paninindigan ay naging marupok …huwag kang mabahala, ito’y dapat lang na ating madaanan, ito’y dumadating na hindi natin inaasahan …sa iyong pagkadapa, may aral kang natututunan …sa iyong pagbangon, ang pag-asa ay umaahon …ito ay iilan lamang sa mga dahilan, kung bakit tayo ay naririto sa lupa… may dapat tayong gampanan , kayat kilalanin mong mabuti ang iyong sarili…

suriin mo.

Magulong mundo… ikaw nalilito…
Ang mga tao…nababalatkayo…
Lahat na tutuo… ay pinaikot mo
Kaya ’di mo alam ang ’yong hahantungan…

     Oo, ikaw ma’y naging biktima o ikaw man ang naging dahilan …huli na ang lahat kung iyo pang pagsisihan… at, wala namang dapat pagsisihan, dahil ang iyong mararanasan ay dapat lang na iyong madadaanan … masakit …maaliwalas… kalungkutan o kaligayahan man, ito ay landas na sa iyo’y nakalaan magmula pa ng ika’y isinilang dito sa sanlibutan…

suriin mo.

Tumigil ka sandali, at tingnan mo sa salamin ang ‘yong sarili
Huwag mong pansinin… panlabas na anyo, kalimitan ay ’di tutuo!

     Sa halip ay, palusutin mo ang iyong paningin sa likod ng salamin, bigyan mo ng pansin ang nakatagong katotohanan na tanging ang puso mo lamang ang nakakaalam …ngunit sa iyong pamumuhay ang puso ay iyong kinalimutan …magarang damit at mga palamuti sa katawan, ay pawang mga maskara lamang, ito ang iyong nakikita tuwing ika’y nananalamin …marami sa atin ang nakakulong sa panlabas na imahen… kayod kaliwa’t kanan upang matugunan ang kagustuhan ng katawan… sa buhay, ika’y minsan lamang dadaan,  ito ay iyong dapat pag-isipan …
suriin mo.

Pagmasdan mo ang kalooban ng ‘yong kaluluwa
Ikaw ba’y tutuo? …o pagkukunwari lang ang iyong pagkatao?

    Ang mga kataga na iyong niluluwa ay ang laman ng iyong kaluluwa …walang kinalalaman ang imahen na nasa salamin …kaya’t sa pag-sasalita maging maliwanag, marahan at banayad ng ika’y maintindihan …at ang pananalita na walang katuturan ay dapat lang na iyong iwasan …
suriin mo.

Taong hipokrito… bunganga mo ay puno ng kabutihan
Subalit ang tutuo…lahat ng iyong ginagawa’y- makamundo!

     Ito ay isinulat para sa salarin… ang pinaka-ugat ng lahat na sinungaling… tuwing araw na linggo, bitbit ang Banal na Kasulatan…inuutusan ang mga anak na magbihis, dahil sila’y pupunta ng simbahan… Banal na maskara ay isinuklob sa mukha …pakitang tao na taimtim na nananalangin …taos puso ang pagsisisi sa mga kasalanang ’di mawari na kahit ang Diyos na nakikinig ay hindi makakaintindi … sa likod ng maskara- may aswang, na nakatawa …dahil sa akala niya na ang lahat sa kanyang paligid ay kanyang napaniwala, sa kanyang adhikain na 'totoong sinungaling'. Iginiit ang sarili at at dahan-dahan ay palihim na nagpasimuno sa Asin; na ayon kay Saro noong siya ay buhay pa ay - ‘asin-asin’...
suriin mo.

Taong makamundo, lampas langit ang iyong panalangin
Subalit ang tutuo, ang sinasamba mo ay materyalismo!

     Sakit ng lipunan …malalang sakit ng Asin na nag-aasin-asinan …sa sinungaling na isipan, nakikihanay sa marami na pinipiga ng pamahalaan …sa likod ng salamin- pansariling kapakanan lamang ang nasa isipan… nilapatan ng himig ang mga katagang walang laman… walang lasa ang Asin na nag-aasin-asinan… wa-epek ang mga tugtugin na nagmula sa bibig ng sinungaling…
suriin mo.

Ikaw sisingilin… ito ay darating
Ito ang batas ng nasa itaas
Ito’ng kagawaran ng iyong kasakiman
Ikaw sisingilin…ito ay darating !
  
     …ang pabulong na sigaw ng katotohanan … naging multo sa iyong utak ang mga kataga na nakasulat …hanggat sa umabot na sa sukdulan ang iyong panlilinlang, di na kayang itago ng iyong sinungaling at ang hibang mong hangarin …ika’y nag-alsa balutan tumakas sa ibang bansa …subalit ang multo sa salamin sa ‘yo lagi nakatingin …salarin sa harap ng salamin, uminom ka ng tubig bago matulog, baka ikaw ay bangungutin…
suriin mo.

     Sa batugan mong asawa, na ang likod ay laging nakadikit sa kama …namumuhay sa panaginip na ang suwerte ay kusang lalapit …minsan siya’y inangat ng tadhana, binigyan ng puwesto… pina-upo sa trono… ito’y kanyang inabuso hanggat siya’y hinubaran ng kamay ng katotohanan, binigo ng tadhana ang kanyang tusong hangarin  …sa kanyang paniwala siya ay nagniningning, ngunit sa kanyang pag-gising, ang mukha niya ay may uling… may kumakatok sa iyong pintuan …naniningil !
…suriin mo.


Huwag mong walain… puso’t kaluluwa,
Pag ito’y wala- mawawala ka rin.

     Sa natira mong katinuan itong habilin ay iyong unawain …at pilitin mong gawin sa mga araw na darating… Buhayin mo sa iyong kalooban ang pinatay mong kaluluwa …taglayin mo sa iyong puso ang karunungang-  umunawa… sa mata ng mga nakakaalam, isang krimen ang iyong ginawa, ng inilagay mo sa iyong maruming kamay ang magandang adhikain ng  mga nagpasimula …sadyang ikaw ay isinali at inilagay ng tadhana, tulad ni Hudas na sa kay Hesus isinama…
suriin mo.

 Mamuhay kang buhay… huwag tatanga-tanga
Walang ospital ang mga tanga !

      Ang pakikibaka na inyong pinasukan ay palihim ninyong tinalikuran… ang kaaway na inyong kinasusuklaman, ngayon sa kanya kayo’y naninilbihan… ang mga sinisigawan mo noon sa mga himig na nilikha lamang ng iyong isip  -ikaw na ngayon ’yun!
…suriin mo.
                    
      Ako sa iyo nangungusap sa ‘level’ ng iyong pag-iisip… inaamin ko, minsan ako ay naging katulad mo; subalit, ito’y kayang lampasan ng di ka matulad kay Christopher de Leon na Tinimbang ngunit Kulang. Ang ‘level’ ng iyong pag-iisip, para sa akin ay ang pag-iisip ng tao na walang isip,  pinatikim lang kita ng sarili mong gamot… nauunawaan kita… magbago ka…bago pa man mapigtas ang iyong sarili sa tutuong madla…at matuluyan ka na, na magiging tanga! …maigi-igi na lang ng kaunti kung mabubu-ang ka, dahil may pagamutan para sa mga baliw, pero pag ikaw ay nagiging tanga …naku, wala ka ng pag-asa …dahil?   
                       (walang ospital para sa mga...alam mo na.)
…suriin mo.

      
     Aaaaaat… pag ang sarado mong isip ay mabuksan na ng kaunti at nai-angat na rin ng kaunti ang iyong pag-intindi…puwede ka ng ilipat sa grade 5 mula sa grade 4 …Puwede na kitang akayin, at tayo’y  sisigaw ng sabay sabay :

Kapit kaluluwa…sundin mo ang wastong gabay sa paglalakbay
Ang kamulatan ang dapat nating lahat matutunan…

   Ang kamulatan, sa tutuo lang ay di natututunan… sa tamang panahon, at sa pamamagitan ng mataas kaunti na pag-uunawa ito’y kusang sumasanib sa iyong kaluluwa …subalit para sa talagang walang alam ito ay dapat munang pag-aralan …kaya?
…suriin mo.

    Pag ang sulat kong ito ay umabot na sa iyong puso, at di lamang sa bagay na nakapatong sa leeg mo…kusang lilitaw ako sa harapan mo …lalabas sa salamin na sa iyo nakatingin …at kapit kamay tayong magdiriwang sa natamo mong …

KAMULATAN…

(mula sa kalangitan ay maririnig ng paulit-ulit ang katagang iminungkahi.)
kamulatan . . . kamulatan . . . kamulatan . . . kamulatan . . .
tann. . .tannn. . .tannn. . .tannnnn. . .


        Suriin Mo

lyrics and music    : noy pillora
from the album     : …ang karugtong
back-up vocals     : ginji




noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.