TRANSLATE THIS SITE

Masdan mo ang Kapaligiran

(Ang kuwentong ito ay isinulat ni Nonoy Pillora Jr. sa alaala ng isang dakilang makata na si Saro Baňares Jr. ng Koronadal, South Cotabato)
Noy Pillora of ASIN
      Sa aking isip ay akin pang mailarawan, ang mapayapang pakiramdam habang minamasdan ang paglubog ng araw sa kanluran…sa balat na magkakulay ng lupa ay nararamdaman ang haplos ng hangin sa nilay nilay…ng ipinikit ko ng aking mga mata ay aking nalalanghap ang amoy ng mga halaman at mga bulaklak sa kaparangan…at ang awit ng ibon ay aking naririnig , kasabay ang huni ng mga kuliglig… O, kay sarap gunitain ng likas na katangian ng bayan kong tinubuan…
     
      Nagmula sa malayo, may himig na naririnig papalapit ng papalapit, habang ang tenga ko’y namimilipit, nagsusumikap na maliwanagan,  ang mga kataga na makahulugan.  Dahan dahan kong binuksan ang aking mga mata…yung sa kanan muna, (nakapikit pa rin ‘yung kaliwa)… Para akong binuhusan ng isang baldeng ‘ice water’, ng lubos kong narinig at naintindihan ang titik nitong awit. Nalusaw ang lahat ng aking panaginip, sumabay na rin ang mga gunitain, at ako’y nagising sa panawagan ng isang taong namulat sa ating kalagayan…

Wala ka bang napapansin? Sa iyong mga kapaligiran…
Kay dumi na nang hangin, pati na ang mga ilog natin !
Hindi nga masama ang pag-unlad,
at malayo-layo na rin ang ating narating
Nguni’t masdan mo ang tubig sa dagat,
dati’y kulay asul ngayo’y naging itim.
  Ang mga duming ating ikinalat sa hangin;
sa langit, huwag na nating pa-abutin...
Upang kung tayo’y pumanaw man…
sariwang hangin; sa langit natin, matitikman…
Mayroon lang akong hinihiling…sa aking pagpanaw sana ay tag-ulan,
Gitara ko ay aking dadalhin, upang sa ulap na lang tayo magkantahan.

    Tuwing marinig ko itong kanta ay may nabubuong larawan sa aking diwa; taong 1993, sa isang bayan saTimog Cotabato, ay may nakaburol. Sa loob ng kabaong ay nakahiga ang isang taong  lamog ang mukha… nakatali sa noo ang isang ‘tubaw’, upang takpan ang butas na nilikha ng isang punglo na siyang lumagot ng kanyang hininga. Nakasulat sa puntod ng kanyang  libingan ang pangalang:  Cesar ‘Saro’ Bañares Jr. ang may akda at siyang kompositor ng awitin na ito, na pinamagatang :
"Masdan mo ang Kapaligiran"
     Matapos na pinagtulungang bugbugin ng isang grupo, siya’y walang awang  binaril ng pinaka - lider ng naturang grupo, na isang abugado at legal counsel ng gobernador ng Timog Cotabato. Ayon sa ulat sila daw ay puro naka-inom! Kung lasing lang sa alak maaring ang pangyayari ay humantong lamang hanggang suntukan, subali’t naiiba ang espiritu pag ang isang tao ay lasing sa kapangyarihan, kaya’t ito’y nauwi sa patayan! Sa kasalukuyang sinusulat itong kuwento, ilang araw pa lamang  ang paglaya mula sa Muntinglupa,  ang mamamatay tao na kumitil sa buhay ni Saro.
     Isang aral para sa ating lahat na pag tayo’y uminom o may balak na uminom ng beer, whisky, kwatro kantos, albotra, sui-hok-tong o anumang inuming nakakahilo; ilagay sa... alam mo na! ang espiritu nito…huwag sa ulo! Dahil ang tama nito ay baka humantong lang sa gulo at matulad kayo sa pangyayaring ito !
     Ang kamatayan nitong makata ay hindi nakapagpigil sa pagpalaganap ng mensahe na kanyang nilikha…patuloy na nag-papaalala …patuloy na nananawagan sa sangkatauhan… mula sa kanyang hukay, ay pabulong na inihatid ng hangin sa aking pandinig ang mga katagang  paulit-ulit na dumadaan…

Ang mga batang ngayon lang isinilang...  may hangin pa kayang matitikman?
May mga puno pa kaya silang aakyatin ?
 ...may mga  ilog pa kayang lalanguyan?
Bakit di natin pag-isipan, ang nangyayari sa ating kapaligiran?
Hindi nga masama ang pag-unlad,
 ...kung hindi nakakasira ng kalikasan.
Darating ang panahon, mga ibong gala ay wala nang madadapu-an,
Masdan mo ang mga punong; dati ay kay tatag,
ngayo’y namamatay dahil sa ating kalokohan.
Lahat ng bagay na narito sa lupa,
 biyayang galing sa Diyos kahi’t noong ika’y wala pa.
Ingatan natin at huwag ng sirain pa,
pagka’t pag kanyang binawi tayo’y mawawala na.

     Saksi ang langit, isang araw bago inilibing itong makata ay tumugtog kami, ang kanyang mga natirang kasamahan  sa isangopen air stadium’ sa Koronadal, ang kanyang bayang sinilangan, huling handog sa alaala ng makata para sa mamamayan ng kanyang lupang tinubu-an. Isang magandang panahon ang dulot ng kalikasan sa araw ng tugtugan. Naka ilang kanta na ang grupo; nguni’t sa pagkamangha ng lahat, nang tinugtog na namin angMasdan mo ang Kapaligiran ay biglang umulan!
    Ito ba’y isang pahiwatig, na sa kanyang paglisan ay tinupad ng langit ang kanyang kahilingan?
 Mayroon lang akong hinihiling, sa aking pagpanaw sana ay tag-ulan…
     …sa loob ng kanyang kabaong ay  kanyang katabi ang isang lumang gitara na siyang ginamit n’ya noong siya ay buhay pa. Buong pagmamahal na ipinabaon sa kanya ng mga natira, kasama ng mga kataga ng kanyang mga awitin at tula . Nagkaroon na rin ng katuparan ang isa pang kahilingan na;

“Gitara ko ay aking dadalhin, upang sa ulap na lang tayo magkantahan…”
Salamat Saro…
Paalam, kaibigan…
Mula sa aming lahat; na nandito pa rin sa lupa,  at naghihintay ng paghukom ng tadhana…
         
paalam...



    
     P.S.
        Kung paano nilikha ang Masdan mo ang Kapaligiran ayon sa ulat ng isang matalik na kaibigan na nangangalang;  Edgar Ambulo, tubong Koronadal, South Cotabato na naging ka –‘board mate’  ni Saro noong siya’y nag-aaral  pa sa Maynila. 

        Isang araw; taong 1977, ang Saro ay pumasok sa banyo upang maligo. Pagkaraan ng ilang saglit, nagmumurang lumabas ang Saro sa banyo!...ang dahilan? Latak na kulay kalawang ang lumalabas na tubig sa gripo!...hindi natuloy ang pagligo, at sa matinding galit ay kumuha ng papel at ‘ballpen’ …at nagsimulang sumulat para sa may kagagawan ng latak na kulay kalawang.

     Sa araw na ito ay ipinanganak ang isang tula na puno ng payo at katanungan?...ang tula ay naging awit…na hanggang sa kasalukuyan, ay nananatiling payo pa rin at katanungan, at ang tinutukoy ay hindi na lamang ang maygawa ng latak na kulay kalawang…kundi, naging himig nang mga ‘mulat na nilikha’ nitong sanlibutan…  

     Napaka-simpleng dahilan ang pinagmulan nitong awitin,  nguni’t kung atin talagang suriin habang pinapakinggan, ang sagot sa kanyang mga katanungan ay ang tanging lunas sa malaking problema na humaharap ngayon sa sangkatauhan…

…ang  ‘Global Warming’ at ang kanyang kakambal na si ‘Global Dimming’!
Ayayyaaaaaaaay !
  


"Masdan mo ang Kapaligiran"
Lyrics and music    : Saro Banares jr. / Lolita Carbon
Performed by         : ASIN
From the album      : Masdan mo ang Kapaligiran


noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.