“Kalawangin ang tubig pag bukas n’ya ng gripo.” Karanasan ni Saro Bañares Jr. mismo ‘yan, na siyang naging inspirasyon ng “Masdan Mo ang Kapaligran,” pa-trivia sa amin ni buradong Tuldok. Sina Tuldok at Saro ang dweto na unang bumuo at nagtimpla ng alat sa ASIN.
Graduation ng ikalawang anak namin noong 23 Abril 2006, ginanap sa Philippine International Convention Center. Dito ko nakita ang isang mamang nakaputing “Indian Kimono” – nakatupi ang manggas sa three fourths ng kamay, maong na medyo kupas, at sa naaalala ko ay one-finger na sandals ang sapin. Amang bihis-hippie sa pormal na martsa ng anak sa madiplomang okasyon.
Sa hagdanan ng lobby paakyat sa sunod na mga palapag, nakasalubong ko siya. Kasama ang isang babaing Caucasian. Sinundan ko pag lampas. Huminto sa labas ang babae, pumasok siya sa CR at hinintay kong lumabas. Pagtapat sa kinatatayuan ko,
“Excuse me po, kayo po ba si Nonoy Pillora?”
Pag-angat ng mukha, naka-salamin siya na may bahagyang tint, oblong ang frame na malapit ang istilo na pinasikat ni John Lennon. Nakapusod ang lampas-balikat na buhok. May halong pilak na ang mga hibla. Nakailang kurap muna siya. Kumiling nang bahagya ang ulo at balikat saka tumango.
Pumayag agad siya nang ipaliwanag kong balak namin ng kaibigan na gumawa ng video documentary tungkol sa ASIN. Sinabi niyang, kung talagang gusto namin, sumunod na lang daw kami sa Boracay dahil pauwi na sila kinabukasan. Bigla akong namroblema. Pero nangumbinsi siyang pag andu’n na raw kami, parang backing vocals na ganito ang kanyang sinabi, “For Jah, provide(s) the bread!” sa "Is This Love" ni Bob Marley.
Tig-isang back pack, XL2 camera, tripod, at oxygen machine para sa sleep apnea ni Raymond Valledor – ang kaibigan kong filmmaker-producer, ang daladala namin. Isang linggo nang sarado ang reserbasyon sa eroplano. Pantay-balikat ang mga kargamento sa buong isle ng bus noong Mayo 2.
Nakaapak kami sa puting buhangin ng Bora sa sundo ni Nonoy sa Caticlan pa lang. Hinatid niya kami sa mall na kinaroroonan ng accommodation. Ang baba nito ay pwesto ng boutique na may tindang printed t-shirts na design niya, mga bag at burloloys. Pinag-usapan ang itinerary at tsibug. Idol talaga si Bob Marley.
Nag-set up kami kinabukasan. Una, sa pintuan ng sala-studio-library ng tahanan nila ni Ginji – ang Jew Caucasian na kasama niya sa PICC. Nailahad sa interbyu ang mga punto galing sa pananaw ni Nonoy tungkol sa mga pinagsamahan at pilosopiya ng ASIN,
Mike “Nonoy” Pillora Jr.:
…it’s sad. That I can say, there was never a relationship in us, between the members. That in fact, in the present, I can also feel that there’s not even friendship inside the group.
Samantala, pagbalik namin sa Manila, iniurong nina Lolita Carbon Jr. at Pendong Aban Jr. ang mga unang sched na ‘binigay nila sa amin. Nang matuloy, generic ang mga reaksyon ng dalawa tungkol sa samahan ng grupo. Pero na-corroborate ang mga punto ni Nonoy sa genesis, kasikatan, pagbura, mga reunion ng grupo hanggang 2000.
Isa sa mga reunion nilang napanood ko ay noong 1984. Sa Intramuros, amoy marijuana ang paligid. Solb! Ihininto ni Saro ang pagtipa sa intro ng "Balita." Sinagot niya ang kantyaw ng isang manonood. Bumalik sa center stage ang hindi ko na matandaan kung si Pendong o si Nonoy. Biglang sinipa si Saro. Sumugod ang ilang taga-awat. Nagtumbahan ang mga gamit ng sound system. Hindi ito unang pangyayari. At ganun natapos ang tugtugang ‘yon. Timbits!
Kundi man narendahan ang dahas ng emosyon, sa intelektwal na pagtutuwang sa unang album pa lang noong 1978, ganito ang katangiang nabuyo sa kanila,
MPJ:
Saro wrote a song called "Sayang Ka." I said, “Wow, is Saro trying to tell me this?”
Sayang ka pare ko
Kung di mo ginagamit ang iyong talino
Sayang ka aking kaibigan
Kung di mo ginagamit ang iyong isipan
Ang pag-aaral ay hindi nga masama
Ngunit lahat ng pinag-aralan mo’y matagal mo nang alam
Ang buto ay kailangan diligin lamang
Upang maging isang tunay na halaman
Pare ko sayang ka
Kung ika’y musikerong walang nagawang kanta
Sayang ka kung ikaw ay taong walang ginawa
Kundi ang gumaya
Ang lahat ng bagay ay may kaalaman
Sa lahat ng bagay sa kanyang kapaligiran
Idilat mo ang iyong mata, ihakbang ang mga paa
Hanapin ang landas na patutunguhan
Pagkat ang taong mulat ang mata
Lahat ng bagay napapansin niya
Bawat kilos niya ay may dahilan
Bawat hakbang may patutunguhan
Kilos na, sayang ka
Sayang ka aking kaibigan
Kung di mo makita ang gamit ng kalikasan
Ang araw at ulan sila ay narito sa iisang dahilan
Sayang ka kung wala kang nakita sa ulan
Kung di ang basa sa ‘yong katawan
Sayang ka kung wala kang nakita sa araw
Kung di ang sunog sa ‘yong balat
MPJ:
So I decided, ok I will write a song to answer this statement of Saro. So I wrote him back, I told him:
Ang tuldok ay may salaysay at may kahulugan
Na dapat mapansin at maintindihan
Kahit sino ka man ay dapat malaman
Na dito sa mundo ikaw ay tuldok lang
Kahit na ang araw sa kalangitan
S’ya at tuldok lamang sa kalawakan
Lahat ng bagay ay tuldok ang pinanggalingan
At kung masdang mabuti tuldok ang uuwian
Tingnan mong mabuti ang ‘sang katauhan
Maraming nag-aaway tuldok lang ang dahilan
Sa aking nakita ako ay natawa lang
Pagkat ang nangyayari ay malaking kahibangan
Kaya wala kang dapat na ipagmayabang
Na ikaw ay mautak at maraming alam
Dahil kung susuriin at ating iisipin
Katulad ng lahat ikaw ay tuldok rin
MPJ:
So, Asin came out with a very strong philosophy in general. But, I could say, was built by the individuals inside. Wherein each, asserting his own distinct personality and identity, contributed to the philosophy of what we called the philosophy of Asin. So, I want to make it clear, that it’s the individual philosophy that made this philosophy in general as one.
Sa asyenda ng tubo na nilusong ni Nonoy sa Payao, Negros Occidental, ang lugar ng kapanganakan niya, naging myembro siya ng choir sa simbahan mula noong labing-isa hanggang naglabing-walong taon siya.
MPJ:
We were playing some kind of contemporary music not only religious music. We used to sing, also songs from contemporary groups like the Lettermen, Bob Dylan, Joan Baez, and Peter Paul and Mary, so this is where it all started.
I became a member of Gintong Silahis, which is the cultural group of Samahan ng Demokratikong Kabatan. So, I was sent to Manila to train under Behn Cervantes, who happened to be the director of the group at that time.
Nang ipataw ang martial law, naging iligal ang SDK. Napilitang pumunta sa Manila si Nonoy. Nakadweto niya sa folkhouse ang dating kamyembro sa choir. Para may pang-self support habang tinatapos ang high school. Tumagilid ang simula ng folksinging “career” niya nang iwanan siya ng kadweto.
Isa sa mga folkhouse na tinutugtugan nila ay sa harap ng University of Sto. Tomas sa España. Baha ang mga nanonood sa kanila, mga taga-Bacolod at Cotabato. At tyempong,
MPJ:
One of these guys was Saro who came from South Cotabato but his family is from Iloilo. He knows how to speak Ilonggo, so, you have [a] common language. Then, we became good friends…
Nakilala nina Nonoy at Saro si Lolit sa isa sa mga folkhouse na pinwestuhan nila. Kilalang soloista na si Lolit noong 1976.
MPJ:
Saro was already sensing that we need another voice in between. Because, I was brought up as a baritone and Saro was brought up as a tenor. We need something like an alto in between to get the harmony. We were trying some guys and they were not able to pass our standards. And because Lolit and Saro had a relationship then, we started also on trying Lolit. And it seems to jive together. So we decided we will make a group out of this…three of us.
We started with no name. So, now we had to think. Everybody was asking, “What’s going to be the name?” Then, I came up with an idea, which I got from an album or a song from another popular singer, Joan Baez, the song was called “Salt of the Earth.” It goes something like, “Let’s drink to the hardworking people / let’s drink to the salt of the earth.”
Niyaya ni Nonoy si Pendong na mag-session sa unang album recording at road tour nito. At naging regular na mymebro sa mga sumunod pa.
Kumapal ang istorya sa sumunod na mga interbyu namin ni Mon. Mga Pinoy Rock Jocks; si Mr. Tony Ocampo – ang talent scout na nakapanood sa jam ng Salt of the Earth sa Red Cow, isang bar sa kanto ng Taft Avenue at San Andres, noong mga unang buwan ng 1978; Ed Ambulo – road manager; Diokno Pasilan – stage designer; Dindo Pillora – manager; (Sen.) Tito Soto – Vicor executive noon. Ang hindi pa ay si Moking, kabigan na kasama ni Saro noong gabing pinatay siya. At mga kontemporaryong musiko.
Ayon sa dating senador, sa mabilisang interbyu sa kanya ni Mon pagkatapos ng "Eat Bulaga," siya ang nagpaikli sa pangalan ng grupo at nagbinyag ng ASIN.
Kasama sa mga kwento ni Nonoy ang paglalakbay sa mga bansa sa Southeast Asia papuntang India. Itinuring niya itong isang ispiritwal na paglalakbay. Sinita at nang malaman na kulang ang papeles ay ikinulong siya. Ipinakilala ang sarili bilang musikerong nagsasaliksik ng kaalaman sa pagtugtog ng sitar. Nang mapanood siya ng umaresto na nakatutugtog nga, pinalaya siya.
Samantala, may kanta ring Salt of the Earth ang Rolling Stone, ayon sa isang Pinoy Rock Jock. Hindi ko na nakumpirma kung ito rin ang kinanta ni Joan Baez. Pareho o hindi man, noong 2006 pa nahinto ang production ng video documentary na ito. Lusot-sa-bulsa na ang kamay ni Mon bilang prodyuser.
Kinumbinsi nina Lolit at Pendong si Nonoy para pasamahin sana sa pinakahuling reunion noong 2000. Dahil determinado siyang tahakin pa ang karugtong ng natagpuang landas galing India, tumanggi siya. Bagamat hindi iniiwasan ang katuparan ng tugtugan kung may balak man sa darating na panahon.
Aayaw-ayaw pero gusto?
Ang naramdaman ko ay mahal ni Nonoy ang grupo gaya ng mag-aasin sa likha niya galing sa mga elemento ng tubig-dagat, lupa, at araw. Kapag nabuo ay inilalako ang dalisay na mga puting butil para may timpla ang ulam sa hapag. Na ang mga pinagsamahan, musika at kulturang naiambag nila sa identidad ng Pinoy ay kailangang ipagtanggol ng malasakit at malupit na ebalwasyon,
MPJ:
Walang friendship. I don’t know, we were… maybe just business partners, something like this.
Karugtong ng pagiging realista, makalipunan at pilosopo, makabuluhan kay Nonoy ang sinimulan na prosesong ispiritwal bago pa, hanggang mabuo, pagbura sa kanya ng manager at mga kamyembro, at mag-reunion ng ilang beses ang ASIN. Sa ikalawang album noong 1979, hindi back-up pero lead vocals na noon pa ang deklarasyon niya sa kantang Baguio:
Ako’y nakaupo dito sa tuktok
Minamasdang mabuti ang lahat ng sulok
Hawak ko sa kamay ang isang bulaklak
Magagawa ba ng tao itong aking hawak
Ang taglay na kagandahan
Bukang bibig na aming minasdan
Ng sinumang may kagagawan
Ako’y taga-subaybay ng Kanyang kakayahan
Story by Brad Kit