TRANSLATE THIS SITE

Ang Buhay Ko

         Nagmula sa lalawigan na napapaligiran ng dagat  ...mga ilog na nakakalat sa islang hugis medyas. Patag na mga bukirin sa paanan ng tumutubong bundok ...na kapag nagagalit ang bunganga nito'y umuusok!

Halos lahat ay nagtatanong doon sa aming bayan
Sa gitnang kanluran na aking pinagmulan
Sila'y nalilito kung ba't ako nagkaganito,
Kung ano ang dahilan, ako lang ang nakakaalam.


noy pillora jr. 
          Sa hinog na kaisipan ay lakas loob na hinarap ang kapalaran, matatag ang kalooban na nakikipagsapalaran. Sumalungat sa mga payo ng mga nakakatanda, tinahak ang landas  ng sariling kagustuhan . Dahil ang sinusunod ay ang bulong ng damdamin, maraming beses ng nadapa sa karimlan ng hangarin. Ngunit; sa bawat tayo niya ay may panibagong lakas na tumutubo, mula sa mga nagkakandarapang karanasan na nadadaanan. Ang bakas ng alaala sa diwa niya ay naiiwan at sa madla'y nangumpisal sa ginawang hakbang...


Magulang ko'y ginawa na ang lahat na paraan
upang mahiwalay sa aking natutunan
subalit iniwan ko ang ibinigay na karangyaan
kung ano ang dahilan ako lang ang nakakaalam...




          Ano naman kaya ang dahilan na ito, na siya lang ang nakakaalam? Hakbang na mahiwaga na tinatago sa kaloob-looban? Pinilit ng mga magulang na tapusin ang pag-aaral ...iginiit nila ang kanilang kagustuhan, sa isang katulad ko na pinaglihi sa kalayaan? Isinaulat ng mga nakakatanda ang karangyaang aking makamit pag tinupad ko ang kanilang kagustuhan. Sa mata ng aking pamilya't mga kamag-anak, ang awa ay aking nakikita. Kina-aawaan ang aking magiging kalagayan, sa hindi pagtupad sa kagustuhan ng magulang.

          Subalit masigasig ang lumiliyab na damdamin, walang takot na tinahak ang marusing na lansangan, na kung saan hahantong, sa totoo lang, ay hindi ko talaga alam! Ako'y tumagos sa ga-bundok na pagsubok, dinanas ang hirap... gutom ay pinapalampas. Tinaguriang lapastangan sa pagsuway sa magulang, ngunit buong tatag na hinarap ang nakatakda na kapalaran.
         Sa di malaon ay aking naramdaman ang bunga ng aking mga hakbang. Naibulalas ang mga hinanakit, naisulat ang mga malasakit, unti unting nabuksan ang mga nakapinid na mga pinto, tungo sa minimithing malayang pag-iisip.

       
Nilagyan ng himig at ibinulong sa hangin ...ang kagandahang dulot ng mundong umiikot ...ako'y nakisabay sa kanyang pag-ikot. Buong pusong inawit ang pangit at kagandahan ...na panay bahagi lamang nitong buhay na dinadaanan. At sa di malaon ay ibinulalas ang nakatagong dahilan... na tanging puso ko lamang ang nakakaalam... 

Musika ang buhay na aking tinataglay
Ito rin ang dahilan kung ba't ako naglalakbay.

        Umabot sa kung saan-saan ...inikot ang buong bayan. Umabot sa tuktok ng katanyagan ...nakakalakad sa daan na may kalayaan. Nang muli akong napadpad sa lupang pinanggalingan ay walang kurap ang mga mata na hinarap ko ang aking mga magulang ...ang buong pamilya na minsan ako'y hinusgahan, at ang mga kamag-anak na minsan ako ay pinagtawanan. Ang katatagan na tumubo sa loob ko ay tumayo at dahan dahang sinalaysay ang katarungang namamahay na sa buhay ko, hanggang ngayon ay sumasabay . . .

Kaya ngayon ako'y narito upang ipaalam
Na di ako nagkamali sa aking daan
Gantimpala'y di ko hangad na makamtan
Kundi ang malamang tama ang aking ginawa...

         Lingid sa kaalaman ng karamihan, ako'y sinibak ng aking mga kasamahan sa dahilan na ako'y hadlang sa kanilang pansariling kapakanan. Pinalaganap ang paratang na sinungaling at ako'y  tiniris ng mga kuko na maitim pa sa uling. Dinugtungan ko itong aking kasayasayan ng mensahe na galing sa damdamin. Sadyang isinulat para sa aking mga kasama na; ang isa ay naglalakad na walang ulo at ang isa naman ay naglalakad ng patalikod! (...ang hirap noon ah!?) ...at ang isa naman ay naging anino ng ibang tao na malakas ang  kutob ko ay siyang nagpasimuno. Ayon sa ulat ni Saro; hinirang ng anino ang sarili at pinapakita sa kilos nito na sa grupong ito, siya ang pinuno. Ika nga ni Buddha; may tatlong bagay na hindi natin puwedeng itago. . . isa - ang Araw... pangalawa  - ang Buwan... at pangatlo ay - ang Totoo...say mo?

        
Sana'y hindi pa huli na sila'y pukawin ng kanilang mga awitin at ng maituwid nila ang kanilang sinungaling ...at kung saka-sakali man, na piliin nilang  manatili sa kalagayan na kanilang pinili, tiyak na may pamamaraan ang langit na uusigin ka ng iyong budhi. Kaya mga kababayan;

Tuloy ang kasaysayan . . . tuloy ang tugtugan
tuloy ang mga sinungaling . . . tuloy din ang tutuo.
Iisa ang pupuntahan. . .marami ang daan;
kung paano ka makarating . . .
nasa sa 'yo na 'yan!

         Oo, ang lahat ng nilalang dito sa mundo ay may kanya-kanyang daan, tuwid man o paliko-liko, iisa lang ang pupuntahan ...tayong lahat ay tutungo sa Dakilang Maylikha, na siyang nagmamay-ari nitong langit at lupa.

         Pag ikaw ay sinungaling ...baluktot ang iyong hangarin ...magnanakaw na pulitiko ...ma-dramang presidente ...mahikero ka sa kongreso ...'swindler' ka sa kapuwa mo ...at iba-iba pang katangahang katangian na sa ibabaw ng lupa ay na-imbento - - ang landas mo po ay Liko-Liko.
         Ang tao na ang tinatahak ay ang landas na hindi humihiwalay sa katotohanan ay ang siyang nasa - Tuwid na Daan, at tiyak na makakarating sa kandungan ng katahimikan. Kaya,  kung paano ka makakarating sa minimithing hangarin ay…

...nasa sa iyo na 'yan!

        ...nasa damdamin mo . . . nasa utak mo . . . nasa bulsa mo!? . . . nasa katauhan mo . . . nasa pamamaraan mo . . . nasa katangahan mo . . . nasa Mc Do! . . . hindiiiiii! . . . nasa  'jolibeee' ! ! !

. . . heh! tigilan mo nga ako!?!



“Ang Buhay Ko”
Lyrics & Music:   noy pillora
Performed by :    ASIN
From the album :    Masdan mo ang Kapaligiran


noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.