TRANSLATE THIS SITE

Itanong mo sa mga Bata


      Taos pusong nagpapasalamat ang aking kaluluwa at ako’y binigyan pa ng isang araw dito sa mundo…(sana kayo din). Ako’y nagising sa larawan ng isang alalala na nakamasid sa mga batang naglalaro sa aking harapan habang ako’y naka-upo sa baitan ng hagdanan. May nahahabulan… may nagtataguan… at sa bandang kanan ay isang lupon ng mga batang kababaihan na nagpapantero… sa isang tabi, ay isang batang umiiyak sa dahilang siya’y hindi isinali! Minsan, ako at ikaw… ay naging isa rin sa kanila… walang ina-alala kung ano ang mangyayari sa susunod na umaga… sa musmos na kaisipan,  


Tears as Manobo boy sings Asin's "Mandan Mo Ang Mga Bata" on the live semifinals of the second season of "The Voice Kids"
ang lahat ay nasa kasalukuyan,
walang kahapon  …  walang bukas

     Naghatid ng kasabikan sa aking nag-iisang puso, ang mga nagunita  ng naiwang alaala… ako’y nag-isip… ng nag-isip… ng nag-isip… hanggang sa ako’y naidlip sa aking isip…ako’y gising na nananaginip… at unti- unting lumitaw ang mga tanong na nagsusuntukan sa aking isip …

Ikaw ba’y nalulungkot ? Ikaw ba’y nag-iisa ?
walang kaibigan, walang kasama…




     Habang binanabasa itong mga kataga, ang puso ko’y parang pinipiga…sa kalungkutang nararamdaman… nakikihanay sa mga nangungulilang kalooban… lumulutang sa mga katanungang…

Ikaw bay’ nalilito, pag-iisip mo’y nagugulo?
Sa buhay ng tao, sa takbo ng buhay mo…

      Kon todo ang pagkalito, itong makata ay tumakbo, habol ang hininga na lumabas  sa mga nangyayari at pinagmasdang mabuti ang mga pangyayari… sa kanyang isip na di niya mawari… at sa mga tanong na umuuntag sa kanyang guniguni…

Ikaw ba’y isang mayaman ?  o/ ika’y isang mahirap lang?
Sino sa inyong dalawa,  ang mas nahihirapan?


       Sino nga ba kaya? Ang tanong  nitong makata… sapat bang katumbas ang salaping iyong kinakabig, kung ang iyong anak o ang iyong mga anak ay halos di mo na nakikita; isang oras sa umaga ay napaka haba na, at sa gabi pag ika’y umuwi sila ay tulog na ? Tuyo sa pagmamahal ang iyong puso… dahil ang laman ng iyong kalooban ay ang: takot , na ika’y ma-isahan… ang laman ng iyong utak ay paano ka maka delihensiya… ang naririnig ng iyong tenga ay ang kalansing ng pera… at ang guhit na nakikita sa iyong mga mata ay ang:  $  …hindi ko na dapat sabihin pa ang nilalaman ng kalooban ng mga maralita… nasa kanila ang init ng pagmamahal sa kapuwa… nagtutulungan… nakikiramay sa mga kapus palad na tulad nila … nagkibit balikat na lamang itong makata, at itinuon muli ang kanyang paningin sa larawan ng kanyang kaisipan…

Masdan mo ang mga bata…masdan mo ang mga bata
Ikaw ba’y walang nakikita, sa takbo ng buhay nila ?

Masdan mo ang mga bata…ang buhay ay hawak nila…
Masdan mo ang mga bata…ang sagot , ay iyong makikita


     
       Napakaraming katanungan sa isip niya’y nagliliparan…nais niyang ipadama ang kanyang nadarama… sa iyo… sa inyo… sa ating lahat… Dunong ang ipinamana ng bayaning pinaka-dakila, nang sabihin niya na;
  
                   “ Ang kabataan ang siyang pag-asa ng ating bayan .”



     Nasaan ang katotohanan sa likod nitong kasabihan ? Sobra na nang isang daang taon ng lumisan si Rizal…subali’t;  Bakit ang mga matatanda pa rin ang siyang may hawak ng kapangyarihan ng ating bayan? ...Mayroon din namang mga bata...pero isip matanda! kaya tradisyonal pa rin ang pag-iisip...(hmmmmp sinabi mo pa!) ...at, mayroong mga nanunungkulan na uugod-ugod na sa katandaan, at tadtad pa sa sakit ang katawan ay ayaw pa ring umalis sa kanilang upu-an… dahil ba sa kagustuhan na sila’y magsilbi sa sambayanan ?... at mahal nila ang kanilang kapuwa, kung ba’t ayaw nilang umalis sa kanilang katungkulan?

       Ang katotohanan… alam na ng karamihan…alam ko, at alam mo… ang talagang mahal nila ay ang kanilang upuan… ang kapangyarihan na kanilang hinahawakan. Ito ang ayaw nilang bitawan !…kaya walang pag-asa ang mga kabataan !
       
  
Ikaw ba’y ang tao, na walang pakialam sa mundo ?
Nguni’t ang katotohanan,  ikaw ma’y naguguluhan…

Ikaw ba ang tinutukoy nitong katanungan?
 
      Hawiin mo ang ulap na gumugulo sa iyong isipan… dahil pag ika’y naguguluhan madali kang gawing uto-uto… iyan ang sandata ng mga gahamang makapangyarihan… kaya’t ang taong bayan ay lagi nilang ginugulo… Isaisip…isapuso… na;

Tayo ay naglalakbay, habol natin ang buhay
Ngunit ang maging bata ba’y tulay,  tungo sa hanap nating buhay ?

       Pabulong na sumigaw ang may gawa nitong tula… Walang duda ! na ang mga bata ang siyang tulay… sila ang may dala ng bagong kaisipan… nasa kanilang katauhan ang inerhiya (energy) ng kaunlaran... malalakas ang  loob na sinasagupa ang pagsubok ng pagbabago …sila na mismo ang pagbabago! ... sila ang kinabukasan!
   
       “Kalokohan !”…pasigaw na sagot ng mga matatanda. “Totoy pa kayo” …nangungutya ang boses na parang galing sa ilalim ng lupa, ang salita ng isang naka-upo sa ‘wheel chair’… “Hindi n’yo alam ang inyong mga sinasabi !” …pabulyaw at makapangyarihang boses ang ginamit  (ala- Pavaroti), ng isang may hawak na tabako at sa kabilang kamay ay kopa na may lamang vino .

        Marahang nagsalita itong makata, … malamig ang boses, lumuhod at nag mamakaawang nagsalita ;  

“ Masdan mo ang mga bata …ang aral sa kanila makukuha;
Ano nga ba ang gagawin ?... sa buhay na hindi naman sa atin? ”

      
     

Muli kong minasdan ang larawan sa aking harapan… ang mga batang naglalaro at natatawananan ay napalitan ng mga batang namamalimos sa  mga daan… gumagala sa lansangan na walang patutunguhan… sa kanilang mga mukha ay aking nakikita, ang pagkawalang pag-asa sa mga dumadating na umaga… Inikot ng tadhana  ang mundo ng mga bata !?!  Pero…teka, ako’y napa buntong hininga, may bahid ng  kalituhan sa mukha ko’y mailarawan… tadhana nga ba kaya ang may pakana? … o/ ito’y kagagawan lang ng aking kapuwa?

      Ang bawa’t isa’y may kanya-kanyang sagot sa mga katanungang idinulot… ang kamay ng katotohanan ay ang tanging makapagbukas ng hiwaga na bumabalot sa ligaya at pagdurusa…paano naman kaya natin malaman ang tamis na dulot ng ligaya, kung hindi natin maranasan ang pait na dulot ng pagdurusa ?

Itanong mo sa mga bata…itanong mo sa mga bata
Ano ang kanilang nakikita ?... sa buhay na hawak nila…?

      Kung ito’y iyong masagot… kabilang ka sa mga bata… pag ito, para sa iyo, ay isang haka-haka na likha lang ng kaisipan… ikaw ay mapapabilang na sa mga matatanda !... palubog na! …handang ipaglaban hanggang sa kamatayan ang iyong ari-arian…lahat na hindi puwedeng pagkakakitaan ay MALI !... at lahat na puwedeng madelehinsiyahan ay TAMA ! Ito ang patakaran ng iyong moralidad….

Masdan mo ang mga bata… sila ang tunay na pinagpala
Kaya dapat nating pahalagahan, dapat din kayang kainggitan?

      Ito ay dapat na maintindihan ng bawa’t kabataan ng ating bayan; at hindi lamang sa ating bayan, kundi pati na rin ng lahat na kabataan sa sanlibutan… dahil kung iyong titingnan… sino-sino ang may hawak ng kapangyarihan sa mga bansa ng sanlibutan?... mabibilang lang sa daliri ang mga bata o/ yaong nagdadala ng kaisipan ng mga kabataan…

      Ang karamihan po sa kanila ay mga manhid na matatanda…takot sa pagbabago… takot sa kanilang sariling anino… ginugulo tayo sa pamamagitan ng digmaan… at ang masaklap pang balita ay; tayo ay nilalaro ng mga ito…ginuguyo… inu-uto-uto… niloloko… ginawang gago si Rizal… at, lahat tayo’y ginawang gago !

      At ang karamihan po sa atin  ay :
nagpapalaro ! nagpapaguyo ! nagpapaloko  ! nagpapa-uto!
nagpapa- gago!
 
Kaya kung ikaw ay isa sa mga nabanggit, itong huling habilin ay baunin mo !

Masdan mo ang mga bata…masdan mo ang mga bata
Ikaw ba’y walang nakikita sa takbo ng buhay nila ?


     

Pagod na itong makata…tumayo, tumalikod at payukong humakbang ng palayo… sa kaguluhan… sa mga nagda-daldalan… patuloy na naglakad ng palayo… at palayo … palay …pala… pal …pa … p … *  …hanggang sa siya’y tuluyan ng naglaho …naglah …nagla …nagl …nag …na…n… *  

        Ako’y naiwang nakamasid sa dilim… at ang ma-aaninag lamang ng aking kaisipan ay ang mga katagang iniwan ng pumanaw na makata;

Masdan mo ang mga bata, ang buhay ay hawak nila,
Masdan mo ang mga bata,

...ang sagot , ay iyong makikita.


"Itanong mo sa mga Bata"
Lyrics and music : Saro Banares Jr.
Performed by       : ASIN
From the album   : Masdan mo ang Kapaligiran



noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.