TRANSLATE THIS SITE

BANTAYOG (Mahiwagang bayan, mahiwagang tao)


Tingnan mo …tingnan mo ! sa kabilang ibayo,
may tao … may taong ! kumakaway sa ‘yo !
Siya’y may hawak na ‘di alam kung ano…
may gustong ipahiwatig, sa damdamin mo

        Siya ay makikita sa lahat ng sulok ng ating bansa…sa gitna ng mga ‘plaza’… sa bungad ng mga paaralan… sa mga kabayanan… sa mga kanayunan…  sa tabi ng daan… sa  bukana ng mga baryo… sa harap ng munisipyo… at kung saan-saan…

Simbolo ng karunungan…simbolo ng katatagan… 
simbolo ng kalayaan… simbolo ng kagitingan…

        Kalabisan  siya ay may hawak na libro… minsan ay nakaupo… karamihan sa kanila ay nakatayo…mayroong sakay sa kabayo… may hawak na itak… may hawak na baril… may hawak na kung ano-ano… mayroong nahulog sa hagdanan sabay na lumipad ang ibon na simbolo ng kalayaan…
     
        Ikaw naman ay nakamasid… nagtatanong… nagtataka… hinuhukay ng iyong diwa ang nakabalot na hiwaga… ang istorya sa likod ng magiting na bato… sa init at ulan siya’y matatag na nakatayo… tulad ng kanyang prinsipyo, ‘di mauntag ng kahit anong bagyo…sa isip mong naguguluhan, hinahanap ang kabuluhan ng mithiin nitong taong bato.
 
Sabay sa ulos ang kanyang alituntunin…
 sabay sa agos ng ilog sa bukirin…
‘Sintalim… ng kidlat ang kanyang mga tingin
‘Sinlakas…  ng kulog!  ang sigaw…
ng damdamin….

           Ang damdaming nagsasalita ay walang lumalabas na kataga… ang nagsusumamong puso, dulutan mo ng unawa… ang kanilang ipinaglaban ay bigyan mo ng halaga… ang mga luha na kanilang iniwan, ay mabigyan man lamang ng katuturan … upang itong mga marangal na kaluluwa ay mabigyan ng katahimikan…


Tumigil ka sa paghakbang, at siya’y pagmasdan
Ang kanyang mga kamay na sintigas ng tigang
Siya’y sumisigaw ng kung anong adhikain,
Ano nga ba kaya ang kanyang layunin ?…

           Ang kanilang mga kaluluwa na lumiligid-ligid… di mapakali sa mga nangyayari… nagtatanong sa salinlahi… Saan mo dinala, ang mga adhikaing ipinaglaban?... Bakit mo itinago ang mga aral na dapat matutunan? …Kami’y nakipaglaban upang ang salinlahi ay mai-ahon sa miserableng kalagayan…nguni’t, bakit hanggang ngayon sila’y gumagapang sa kahirapan ?

“Sino ang tinutukoy nitong taong bato ?”

         …tanong ng iyong espiritung nalilito… ang ‘yong utak na tila nahihilo, umikot na parang ipu-ipo… ika’y napatingala sa langit, at buong lakas na iyong  isinigaw,  ang hinagpis ng iyong puso…

Mahiwagang bayan….mahiwagang tao
Ang maskara’y hubarin mo...
ipakita mo ang tutuo !

        …pinagpatuloy mo ang iyong mga hinagpis… ika’y may sinisisi, ‘di namin alam kung sino? ... isinigaw mo sa kalawakan ang nabu-buwang mong kalooban…

Itinuro mo’y kalokohan . . . itinuro mo’y kasakiman,
Itinuro mo’y kasinungalingan
Bayan ano’ng hahantungan ?


        ‘Busy’ ka sa iyong mga reklamo… nawala sa ‘yong isip ang taong bato…marahang gumalaw ang kanyang anino… parang nalulungkot na napayuko… may dunong na sinasabi, at ibinulong  sa iyo…

        “ May mga taong itim ang puso, na nagtatago  sa kanilang mga anino  … matatamis na mga kataga ang lumalabas sa kanilang dila… puno ng pag-asa ang kanilang mga pangako… subalit, ang sarili lamang nila ang gusto nilang ihango… Sa aming hanay noon, ay mayroon ding nakahalo na ganitong klaseng tao…”

        Buksan mo ang iyong mga mata… amuyin mong mabuti ang nasa iyong tabi … ang mga manlilinlang ay madali mong malaman, kung hindi ka nagsisinungaling at nanlilinlang … ang mga bulok ay madali mong maamoy, kung malinis ang iyong hangarin dito sa mundong ginagalawan…

         Ang bawa’t galaw mo sa mundo ay may katugunan… ang lahat na iyong inu-utang ay iyong binabayaran… (utang sa pera lang at materyal ang puwede mong takbuhan… subalit, hindi ito ang ating pinag-uusapan, noh?!? ) Kaya ituwid mo muna ang galawgaw mong isipan… makinig kang mabuti sa aral na dapat mong matutunan…”

        Marahang hinaplos ng anino ang iyong ulo… marahang humakbang at siya’y napa-upo sa isang ‘di kalakihang bato…

        “Makinig kang mabuti sa mga sasabihin ko… ito’y nasabi na ng lumipas na panahon, subalit uulitin kong muli at walang sawa kong uulitin, hangga’t sa ang lahat ay magiging matino dito sa mundo.  Upang mabigyan ng tamang kahulugan ang buhay na aming inalay, at ng mabigyan ng pag-asa ang mga nahihirapang kaluluwa, na lumalakbay sa landas ng buhay dito sa lupa…”

        Kunot-noo akong nakinig sa minumungkahi nitong anino, na nagpapatuloy sa pagsalita habang nakatingin sa malayo…

        “Huwag mong i-asa kahit kanino ang iyong kinabukasan… usisain mong mabuti ang iyong mga natutunan… ituwid mo ang mali at ang wasto’y gawing sandigan… iyan ang kabu-uhan ng adhikain na aming ipinaglaban…  

        Nawalan ng saysay ang lahat na aming ipinaglaban… ginamit ng  mga gahaman ang aming mga pangalan… sinakyan ang aming magandang layunin at malinis na adhikain… ginamit sa pangguguyo… sa panlilinlang ! …upang mapasa-kanila ang kapangyarihan ...nilagay sa pera ang aming mga mukha… perang ginawa nilang diyos at ngayon ay kanilang sinasamba…

        …at, hindi mo ba napupuna? Itong mga gahamang manlilinlang, pag namatay ay nililibing din sa libingan ng mga bayani! …hindi man lang nahiya sa kanilang mga sarili…Ano namang kabayanihan ang kanilang ginawa para sa kanilang kapuwa?

        Tulad ng nasabi ko na… sa aming lupon ng mga bayaning magigiting may mga huwad na nakahalo, upang samantalahin at yurakan ang kanilang kapuwa, at sila rin ay ipinagbunying bayani ng mga ‘bulag’ dito sa madla…

        “Katulad din ito sa ngayon, na nangyayari sa iyong panahon, na mayroong mga malinis na kululuwa na nakahalo sa nakakaraming mga masasama,  sila ang dapat mong tularan at ang siyang gawing huwaran… nang ma-ihango mo ang iyong sarili sa dinadanas mong kahirapan”

        Nanumbalik ang iyong ulirat sa narinig mong salita … ang araw ay bumaba na at ang anino ay nawala… ang tanging nalalabi lamang ay ang kanyang mga kataga, at ang panalangin na sana ito’y manatili, sa iyong diwa…

        Para kang napako sa iyong kinatatayuan… ang bantayog sa ‘yong harapan ay nais mong hagkan… sa aral na iyong natutunan ay nais mo siyang pasalamatan; subalit, ‘di ka makapagsalita nananatili  sa pagkamangha…

         Ilang saglit lamang at kinain na ng takipsilim, ang hugis ng kanyang katawan pati na ang kanyang mukha… hangga’t sa hubog na lamang ng kanyang imahen, ang maa-aninag ng iyong mga mata …  sinukluban na ng dilim ang monyumentong nakatayo … ang taong bato ay unti-unting naging anino…

        Humayo muli ang iyong isipan, sa bayang sinilangan, perlas ng silanganan… isa-isang inilarawan ng iyong diwa ang mga liderato na nagpapasimuno… malalim ang isip ng iyong damdamin…’sinlalim ng tanong ang iyong puso ?


Mahiwagang bayan  …  mahiwagang tao,

Ikaw ba ay Pilipino ?   ………   Pilipinong tutoo ?

Mula sa apat na sulok nitong mundo, sa hangin ay maririninig ang agrabyo ng mga puso ,
nakatuon ang mga mata sa lupon ng mga nagpapasimuno… 

Mahiwagang bayan ......... mahiwagang tao,

Ikaw ba ay maka-tao?  
O
Ikaw ba’y para sa iyo ?


"Bantayog"

lyrics and music         : nonoy pillora
performed by              : ASIN
from the album          : Himig ng Lahi




noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).

noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar  Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.