Lumalagkit ang hangin sa paligid pag ang pinag-uusapan ay ang PAG-IBIG… nangingibabaw sa isip ang mga gunitain na kung kailan lang ay buhay na karanasan ng halos lahat sa atin. Naging sanhi ng halos nakakamatay na karamdaman na kung tawagin ay ‘kabiguan’ at, naging sanhi din ng agaw hiningang pakiramdam, labis-labis na kaligayahan kung iyong makamit ang kamay ng akala mo ay iyong mahal sa buhay.
(Video posted by Xarina Ancheta Published on Sep 10, 2012 with caption: "A birthday present for our Kuya abroad. :))"
Di ko lubos ma-aninag ang istorya sa likod nitong himig subali’t sa aking alaala, ay akin pang magunita ang mga pangyayari sa tambalan ng dalawang nilalang sadyang pinagsama ng tadhana sa panahon na kung tawagin ng karamihan ay ‘ Bisperas ng Gunaw’… ang pagka-unawaan ng puso nina Nene at Saro, (mga kauna-unahang miyembro ng grupong Asin, pawang mga masugid na manunulat at manlilikha ng mga awitin, upang sabihin ang katotohanang nakatago sa likod ng panlilinlang at pangguguyo ng tao sa kapuwa niya tao... ng Gobyerno na kakambal ng demonyo, nagdulot ng hindi ma-ipaliwanag na kahirapan ng karamihan sa sambayanang Pilipino…
Maraming himig at tula ang sumibol sa tambalang ito…mga awiting inihatid ng hangin sa nagdurusang mamamayan ng ating bansa na nasa ilalim ng malupit na diktadurang rehimen… tulad ng … ‘Gising na kaibigan’…’ang Bayan kong Sinilangan, Timog Cotabato’… ‘Balita’… ‘Itanong mo sa mga Bata’… Mga makahulugang awitin na nakikipag-ugnay at nakikipag-usap sa mga pusong pinipiga ng kamay na Bakal ng Diktadurang Rehimen.
…subali’t ang Pilipino ay patuloy sa kanyang pakikipagtunggali sa buhay… sanay sa hirap… may lakas loob na tumawa sa ilalim ng nakatambak na problema … at sa kanya, ang pinakamahalaga ay ang mukha ng buhay na nagdudulot ng tamis at ligaya… ang pag-ibig… ang pagmamahal… ang pusong mamon… ang ‘pitik-mingaw’… ang mga magka-ulayaw sa pinilakang tabing… haaaaaaaaaaaaaay… kaya’t, tuwing lumubog ang araw pagkatapos na magmano sa mga matatanda at habang naghahanda ng hapunan ay panay ang sulyap sa bintana… naghihintay… nag-aabang… nananalangin…na;
Sa pagsapit ng dilim ako’y naghihintay pa rin,
sa iyong maagang pagdating;
Pagka’t ako’y nababalisa, kung di ka kapiling…
bawa’t sandali’y mahalaga sa akin.
Mga kataga na binubulong ng kalooban…puno ng pag-asa… puno ng pagmamahal… sabik na makita ang mukha ng kanyang pinaka!… (alam mo na!)
Habang nilalarawan nitong isip ang mga nakaraan… saksi, ang mga pusong pinag-isa ng tadhana…ang mga maligayang sandali… Habang nakamasid sa karimlan, hinahambing ang pakiramdam sa mga na-aaninag at naririnig na mga bagay sa kapaligiran…
Tulad ng ibong malaya ang pagibig natin,
tulad ng langit na kay sarap marating…
Ang bawa’t tibok ng puso’y kay sarap damhin,
Tulad ng himig na kay sarap awitin...
Yes ! … halos pasigaw na ibinulalas ng iyong kalooban ang mga katagang nabuo na nasa isipan … pati tibok ng iyong puso ay naririnig mo… ibong nananahimik sa kanyang pugad ay pinakialaman… ultimo langit ay iyong nakikita na nasa likod ng karimlan… ang iyong isip na tuliro ay nagde-deliryo… Maraming makata, manunulat, mag-bobote, presidente; atbp, espesyal ka man o karaniwang tao… ang nasangkot… naging biktima… naging alipin… naging kung ano-ano!
‘Yung isa pinutol ang tenga, binigay doon sa minamahal niya?!?… ‘yung isa ininom yung ‘muriatic acid’ sa kubeta (napagkamalang ‘gin’!)… ‘yung isa bigla na lang namulot ng papel sa daan, binabasa ang bawa’t mapulot at nagsasalitang mag-isa (akala siguro ‘love-letter’ galing sa kanyang nobya!) … ‘yung isa nandoon na ngayon sa Iowa, United iStates of America, lampas langit ang tuwa sa natamong kaligayahan na binigay ng tadhana!... at, napakarami ang humantong sa harap ng altar at nagsumpaang magsasama sa hirap at ginhawa, mababad man sa apoy ng impiyerno o masukloban ng tubig ng ‘tsunami’, saksi pa ang baboy na may mansanas sa bunganga at ang mga nag-iinuman sa harap ng papaitan…
Ayaw ng paawat itong karamdaman…tuloy tuloy ang paglakbay ng diwa at kaisipan, sa kasalukuyan ay nasa ulap nakalutang… kung ikaw man, titigil ka kaya?
At ngayon ikaw ay nagbalik sa aking piling
Luha ng pag-ibig kay sarap haplusin,
Tulad ng ilog sa batis, hinahagkan ng hangin
Pag-ibig ang ilaw sa buhay natin…
Magaan ang pakiramdam habang iyong nilalarawan ang iyong guni guni na nasa iyong tabi... ang iyong ‘prince charming’ o/ ang iyong ‘leading lady!’... saksi pa ang langit sa himig na iyong naririnig… himig ng damdamin… himig ng pag-ibig.
Ang huling linya ang pinaka-mahalaga;
Pag-ibig ang ilaw sa buhay natin…
Ito ba’y tutu-o ? ang nagdu-duda na tanong ng aking puso…
Ayon sa prinsipyo ng ‘ ying & yang ’ , ang buhay ay nahati sa dalawang bahagi; ang unang bahagi, ay malamig at matigas tulad ng isang blokeng yelo … ang pangalawa, ay lumiliyab, lumilikha ng init sa ating katauhan,
…itong umaapoy na kalahati ay ang – pag-ibig.
Ito ba ay iyong nararamdaman ? …naramdaman ?
o ngayon mo pa lang nalaman?
Tulad ng iilan sa atin, itong pag-iibigan ng dalawang nilalang na siyang dahilan ng pagka silang nitong panutsang awitin ay humantong sa hindi natin inaasahan… sila’y hindi nagkatuluyan… ang dahilan ay hanggang ngayon, hindi ko pa alam… subali’t itong himig ng pag-ibig ay nagkaroon na ng sariling buhay… lumakbay na mag-isa … naging bahagi ng buhay ng karamihan… may dulot na pag-asa at maluwalhating alaala… at sa mga ‘galawgaw’ naman, ito’y patuloy na nagbibigay buhay sa mga ugat na malapit ng mamatay!
Katulad mo…ako’y sumasagwan sa ilog ng buhay… dumadaan sa pangkaraniwan… dumadaan sa kahiwagaan… maraming katanungan ang hindi pa nabigyan ng tamang kasagutan…ang isa sa mga ito, ay ganito; iilan ba sa atin dito, ang makakagawa o nakakagawa na ng gawain para sa kanyang kapuwa na ang tunay na dahilan ay ang – pagmamahal ?
tunay na pagmamahal - walang hinihintay na kapalit o kabayaran?
ang … ibong malaya …
langit man … ay nais n’yang marating
ang … tibok … ng puso…
tulad ng himig ng pag-ibig…
natin.
na na na … na na na… na na na…
Na na na, na naaaa… na na na na na na na naaaaaaa…
Lyrics and Music: Lolita Carbon
Performed by: ASIN
From the album: Himig ng Pagibig
noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).
noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.