Isang oyayi ang ating tatalakayin sa araw na ito; may karunungang taglay ang himig na dinadala… ang musika nito ay inaawit ng isip at pabulong na kinakanta ng mga pusong …nananaginip …nanghihinayang … nabubugnot …na-aasar … nagagalit … nagsisisi … nagdadalamhati at ; buong puso kong handog sa lahat na mga- nagmamadali ! Ang bawa’t kataga ay may hatid na unawa sa iyong naging kalagayan… sa ngayon o/ sa iyong nakaraan… at masuwerte ka, kung ang pagmahal ay hindi mo pa naranasan…dahil ito’y isa sa mga maari mong gawing gabay na puwedeng magiging batayan sa susunod mong hakbang…
Sa takbo ng mundo na ating ginagalawan, itong karunungan ay mahirap maunawaan subalit, kung ang iyong hangarin ay ang mamuhay sa katahimikan. Huminto ka sandali sa iyong pagmamadali, bigyan mo ng kaunting panahon at masusing pagsuri; itong mga kataga na maaring lunas sa mga naghihirap, dahil sa sakit na: nalilito… natutuliro …o sa puso na naghihingalo…
Ibinulong ng hangin ang diwa;
binuksan ang aking unawa ,
sa landas ng katahimikan.
Diwa ? anong diwa ?!?
…ang dahilan kung bakit ang mundo ay umiikot…ang dahilan kung bakit may kulay ang umaga…ang dahilan kung bakit gusto mo pang dugtungan ang iyong hininga…ang pinaka-ugat na dahilan upang matamo ang kapayapaan at katahimikan na, minimithi at inaasam ng iyong kalooban… at ng buong sanlibutan. Ito ang ibig sabihin nitong - diwa...
Ang diwa ng - pagmamahal …
…kung ika’y nakakaramdam na para bang may nangingiliti sa iyong tenga at gumagapang sa iyong buong katawan at gumagaan ang iyong kalooban dahil sa, para bang may pag-ibig kang nadarama…at kapag ika’y nagsisimula ng magsalita ng mag-isa habang naghuhugas ng pinggan o naglalaba …o kapag ika'y naglalakad at nakatingin sa malayo at tatawa-tawa… huwag kang mag-‘panic’ dahil napupukaw lamang ang iyong puso sa isang panibagong ‘drama’… at, habang tumatagal ito’y lalong lumalala, dahil ang ‘minsan’ ay napapalitan na ng ‘lagi’… hindi ka na makatulog… tigyawat dumadami… ang iyong utak ay pinu-putakte ng guniguni… at itong pag-ibig ay iyo ng nadarama sa paligid at sa tuwina… huwag mong bitawan itong pakiramdam, sa halip ay kupkupin sa kalinga ng iyong kaluluwa….ito ay parang binhi na iyong ipinunla, at pag ito’y tumubo sa iyong kaloob-looban…bubukas ang pintuan ng iyong puso ,pati na ang bintana ng iyong mga mata…dito sisibol ang balintataw, ang hudyat at ang simula ng bagong -ikaw !
…may kamulatan na dapat matunghayan kung bakit ikaw ay isinilang dito sa sanlibutan… katulad ng ipis at daga…aso at pusa… kahoy at kamoteng kahoy…damo at gamo-gamo… sila, katulad mo ay may katungkulang ginagampanan sa gulong nga buhay…kaya’t huwag kang ma-atubiling humarap sa nararapat, at ako’y nananalangin na…
Ang bukang liwayway ang gabay;
damhin mo at ikaw sumabay,
Sa agos ng mundong makulay…
Kay gandang pagmasdan, ang unang sinag sa silangan…kasabay ang tilaok ng mga manok…tuk-tu-rooo-ooook!... ang huni ng ibon (twit-twit-twit)… ang agos ng sapa sa bukana… biglang napa-igtad sa sarap, at nahulog sa kama …ay! umaga na ! …kailangan maihanda ang sarili sa araw araw na gawain! …almusal… ligo… linis …takbo upang gampanan ang misyon mo sa buhay…etc.; at kung ano ano pang dekorasyon at palamuti, na nakasabit sa ating pamumuhay… dahan- dahan…hinay –hinay… idaan mo ang lahat sa mapayapang paraan at lagyan mo ng pagmamahal ang iyong ginagawa lalo na kung ika’y nagluluto…sasarap lalo ang iyong niluluto, at iyong matutunghayan na para kang lumulutang sa kalawakan; at kung ang iyong ini-isip ay ang kinabukasan, lalong-lalo na kung pag-aasawa ang pag-uusapan, laging alalahanin na…
Dunong daw ang paghihintay
Sa iyong magiging kasabay…sa buhay.
Ang unang tanong na dapat mong sagutin ay …
Marunong ka bang maghintay ?
Dito sa Israel , bihira pa sa madalang ang nakakaalam nito…ang lahat ay laging ‘busy’…nakakandarapa sa pagmamadali…
Savlanot…hinahon...savlanot… ang kailangan ng tao sa mundong umiikot… huwag mong sabayan ang mga naghahabulan; dahil wala naman tayong ibang pupuntahan, kundi ang sumunod sa ating mga ninuno na nasa libingan …kung ika’y laging nagmamadali, mapapabilis din ang iyong pakikipagkita sa iyong mga ninuno na nasa kalangitan …
Kaya’t kaunting hinahon sa paghamon ng panahon, at tiyak na ang iyong hakbang ay sa iyo aayon… huwag mong tulutang hawakan ka ng panahon…sa halip ay, ikaw ang humawak sa panahon… dahil ang panahon ay walang utak at ikaw ay meron… ang panahon ay walang puso at ikaw ay meron…kaya;
Sumunod ka sa iyong damdamin;
ang mga tanong ay iyong sagutin …
…sampu man ang tanong ? sampung beses mo ring sasagutin…pag isang daan? …dapat ay isang daan din ang sagot (pag nubenta’y nuwebe lang… hindi ka pa handa!)
… gusot gusot na pag-iisip ay dapat mong plantsahin… hanggang sa, ang lahat ng katanungan ay masagot ng iyong damdamin…at kung ang lahat na ‘yong katungkulan ay iyo ng magampanan, puwede ka ng mag patahi ng ‘trahe de borda’… sa mga kelot naman ay ternong pamburol?! (ay!…pangkasal pala!) ...ihanda ang karwahe sa simbahan pupunta… ‘feeling’ mo ngayon ikaw ay si ‘cinderella’ …o/ di kaya’y ikaw ang prinsipe na naging palaka! (ay! mali! pakibaliktad mo na lang ‘pleeease’) … tumbahin ang limang baka, patayuin maya’t maya… ang mga mesa i-kamada sa engrandeng handa…ang kama, (siyempre!) para sa pulot-gata… huwag mong kalimutang isabay, sa ’yong panalangin itong aking sasabihin, at laging…
Isa-puso ang tanging habilin...
Sa mapayapang pook nahimlay;
ang tibok ng damdaming taglay,
ang lihim ng hiwaga sa buhay…
‘Serious’ na ako ngayon, kaya huwag ka ng tumawa…dahil papasok na tayo sa pinto ng iyong puso, at bubungad tayo sa bintana ng iyong mga mata…
Ito’y salawikain lamang sa pusong may kakayahang mag-unawa at sapat na kamulatan upang salubungin ang pagsubok ng buhay…may kakayahang tumingin sa mata ng katotohanan … laging isa-isip na mayroong dalawang klaseng katotohanan dito sa lupa…mayroong tama na katotohanan at, katotohanang gawa-gawa lamang, sa simpleng salita ito’y tinatawag na: ilusyon… nasa sa iyo ang pagtimbang at pagpili ng nararapat sa iyo na katotohanan.
…at; sa sinabi ko na, pag ang na-abot ng iyong mga mata, ay umabot na sa iyong isip, at ito’y sumasabay na, sa tibok ng iyong puso… magsisimulang lalakbay ang iyong kaluluwa at doon hihimlay sa pook na mapayapa… ang tamang katotohanan ay siyang magsisilbing gabay, sa iyong paglakbay sa landas ng buhay… tanging katotohanan lamang (wala ng iba! ...walang tawad!...tapat na! ), ang puwedeng maghatid sa iyo sa kandungan ng katahimikan.
Ikaw ang maygawa ng iyong tadhana… ikaw ang may hawak ng iyong kinabukasan… ang lihim ng hiwaga sa buhay, ay nasa sa iyong kamay…
Dunong daw ang paghihintay; sa iyong magiging kasabay,
…sa buhay.
(…nawa, ang lahat ng nilikha dito sa mundo ay maging maligaya.)
Lyrics and music : noy pillora
Back up vocals : Ayelet Hazan
noy pillora (Mike "Nonoy" Pillora) is a Filipino singer, songwriter, composer, arranger, performer, painter, sculptor, and was a creative writer for Focal Magazine (Serving the Filipino Communities in Israel).
noy had been in the Philippine music scene for three decades of his life. He started singing with Saro(Cesar Baňares Jr.) and they were simply known as; ‘ Mike & Cesar '. After a year as a duo, Nene (Lolita Carbon) joined them and together they became one of the Philippines’ most popular group named ASIN. Together with the release of their third album, Himig ng Lahi, Pendong (Fred Aban Jr.) officially, became the fourth member of the group.